MANILA, Philippines – Dapat umanong ikonsidera ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bumalik na sa International Criminal Court at simulan ang pag-iimbestiga sa iba pang sangkot sa drug war.
Ayon sa human rights watchdog, ang pagbusisi sa isyu ng extrajudicial killings ay hindi maituturing na political tool laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Kung magiging consistent lang ang administrasyong Marcos tungkol dito na nakita nila ‘yung value ng ICC at i-improve ‘yung human rights situation sa bansa, wala talaga silang choice kundi ibalik ang Pilipinas sa International Criminal Court,” pahayag ni Human Rights Watch senior researcher Carlos Conde sa panayam ng Teleradyo Serbisyo.
Ani Conde, ang hindi pagtutok sa mga kaso at pagbalik sa ICC ay lalo lamang magdudulot ng galit ng mga tagasuporta ni Duterte dahil magmumukhang ginamit lamang ni Marcos ang isyu para sa pamumulitika.
Matatandaan na makailang ulit na sinabi ni Marcos na hindi kinikilala ng Pilipinas ang hurisdiksyon ng ICC ngunit sinabi rin na hindi nito matatanggihan ang hiling na tulong mula sa International Police Organization o Interpol, para isilbi ang ICC warrant.
Ani Marcos, ang nangyari noong nakaraang linggo ay ang inaasahan ng international community na nararapat gawin.
“If hindi sila magte-take ng steps to kumbaga re-ratify the Rome Statue na nag-create ng ICC, magiging hungkag lang ang mga ito. Lalo tuloy mapapatunayan ng mga tao na supporter ni Duterte na ito ay pulitika lang. Hindi dapat hanggang dito lang ang gagawin ni Mr. Marcos,” paliwanag ni Conde.
“Apart from ibalik ang Pilipinas sa ICC, kailangan nya mag-imbestiga sa mga pulis at mga nasa poder na nag-carry out ng mga patayan noong panahon ni Duterte,” pagpapatuloy pa niya.
Samantala, sinabi rin ng senior researcher na hindi lamang si Duterte ang nag-iisang suspek sa war on drugs kundi maging ang pwersa ng kapulisan sa panahon ng administrasyong Duterte at si re-electionist Bato Dela Rosa, na chief implementor ng war on drugs.
Matatandaan na sinabi ni Dela Rosa na handa niyang samahan si Duterte sa The Hague. RNT/JGC