MANILA, Philippines – Mariing kinondena ni Basilan Rep. Ustadz Yusop T. Alano ang pananambang sa mga sundalo at tauhan ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) sa Barangay Badja, Tipo-Tipo, Basilan.
Naganap ang pananambang dakong alas-7:45 ng umaga nitong Lunes habang bumibiyahe ang mga tauhan ng 45th Infantry Battalion patungo sa headquarters ng 1101st Infantry Brigade sa Barangay Tabiawan, Isabela City. Sa pinakahuling ulat ng militar, 10 government personnel ang nasugatan, kabilang ang siyam na Army personnel at isang CAFGU Active Auxiliary.
Ayon kay Alano, walang puwang sa Basilan ang karahasang naglalagay sa panganib sa buhay ng mga tagapagtanggol at sa kapayapaang matagal nang pinagsisikapan ng lalawigan.
“Mariin nating kinokondena ang pananambang sa ating mga sundalo at CAFGU personnel sa Barangay Badja, Tipo-Tipo, Basilan. Walang puwang sa ating lalawigan ang karahasang naglalagay sa panganib sa buhay ng ating mga tagapagtanggol at sa kapayapaang matagal nating pinaghihirapan.”
Hiniling ng kongresista ang agarang imbestigasyon upang matukoy at mapanagot ang mga nasa likod ng pag-atake, kasabay ng pagpapahayag ng suporta sa mga nasugatan at kanilang mga pamilya.
“Nakikiisa tayo sa panalangin para sa mabilis at ganap na paggaling ng mga nasugatan at para sa lakas ng kanilang mga pamilya. Buo ang ating suporta sa Armed Forces of the Philippines at sa mga awtoridad sa pagtukoy at pagpapanagot, alinsunod sa batas, sa mga nasa likod ng pag-atakeng ito.”
Sinabi rin ni Alano na hindi dapat hayaang bumalik ang Basilan sa karahasan at kaguluhan.
“Malayo na ang narating ng Basilan. Hindi natin hahayaang ibalik tayo ng sinuman sa madilim na kabanata ng karahasan at kaguluhan. Mananatili tayong nagkakaisa, matatag, at walang uurungan sa pagtatanggol sa kapayapaan, seguridad, at kinabukasan ng Basilan.”
Patuloy naman ang imbestigasyon at hot-pursuit operations ng militar upang matukoy ang mga responsable sa pananambang. MELIZA MALUNTAG