ANGELES CITY, PAMPANGA — Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 69-anyos na Amerikanong umano’y nang-abuso at gumamit ng racist at mapanlait na pananalita laban sa mga Pilipino sa isang mall sa Barangay Balibago, Angeles City.
Kinilala ng BI ang dayuhan na si Patrick Ndukwuegbulam Obison, na kilala rin bilang Dr. Patrick Ndukwuegbulam Obison.
Ayon sa BI Intelligence Division, isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng Mission Order No. 2026-341 na inilabas noong Setyembre 24.
Nag-ugat ang operasyon sa isang naiulat na pagtatalo sa loob ng isang mall kung saan umano’y naging mapang-abuso at mapanlait ang dayuhan sa ilang Pilipino.
Kabilang sa alegasyon na hinarass umano nito ang isang Filipino citizen at tinawag na “animal” ang isang lokal na babae sa harap ng publiko.
Dahil dito, nahaharap si Obison sa deportation proceedings dahil sa umano’y undesirability, batay sa mga probisyon ng immigration regulations.
Sinabi rin ng BI na nahaharap ang dayuhan sa iba pang immigration charges dahil umano sa paglikha ng kaguluhan sa isang commercial establishment, pag-abala sa public peace at pangha-harass sa mga lokal na residente.
Bukod dito, natuklasan din ng BI na umano’y hindi nito naipabatid sa Bureau nang nakasulat ang pagbabago ng kaniyang rehistradong tirahan, na hinihingi sa ilalim ng Republic Act No. 562 o Alien Registration Act of 1950.
Matapos ang pag-aresto, dinala ang dayuhan sa BI Warden’s Facility sa Bicutan, Taguig City, kung saan mananatili ito habang nagpapatuloy ang deportation proceedings.
Nagpaalala naman si BI Commissioner Joel Anthony M. Viado sa mga dayuhan na igalang ang mga Pilipino at sumunod sa mga batas ng bansa.
“The Philippines welcomes foreign nationals who respect our people and our laws,” ani Viado.
Binigyang-diin niya na hindi dapat mapagkamalan ang pagiging mapagpatuloy ng mga Pilipino bilang pahintulot na insultuhin, harassin o maliitin ang mga Filipino.
Nilinaw ng BI na patuloy pa ang deportation proceedings laban kay Obison at hindi pa pinal ang kaso. Bibigyan umano siya ng pagkakataong marinig at maipagtanggol ang kaniyang panig alinsunod sa batas at due process. JAY Reyes