MANILA, Philippines – Patuloy ang pag-apekto ng northeast monsoon o amihan sa malaking bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration. Magdudulot ito ng maulap na kalangitan, bahagyang ulan, at mas malamig na temperatura sa ilang lugar.
Maaaring makaranas ng bahagyang ulan at maulap na panahon ang mga lugar sa Bicol Region, Batanes, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Northern Samar, at Eastern Samar. Hindi inaasahang magdulot ito ng malaking epekto.
Samantala, sa Metro Manila, Luzon, Visayas, Northern Mindanao, Caraga, at Zamboanga Peninsula, magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan at iilang isolated na ulan.
Sa iba pang bahagi ng Mindanao, maaring magkaroon ng ulan o thunderstorms mula sa localized thunderstorms na posibleng magdulot ng flash floods o landslides kapag malakas ang bagyo.
Dahil sa amihan, bumaba rin ang temperatura sa maraming lugar. Sa Cordillera, umabot sa 7.5°C ang naitalang pinakamababang temperatura sa La Trinidad, Benguet, habang nasa 9°C sa Baguio City. Sa mabababang lugar, nasa 16°C–18°C ang temperatura tuwing umaga.
Malakas din ang northeast winds sa Northern Luzon at silangang bahagi ng Central at Southern Luzon.
Sa nakalipas na 24 oras, naitala ng PAGASA sa Quezon City ang pinakamataas na temperatura na 28.5°C at pinakamababa na 19.7°C. RNT/MND