MANILA, Philippines – Iniulat ng PAGASA na ang shear line at ang Northeast Monsoon (Amihan) ay nagdadala ng mga pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Habang ang Tropical Storm Pabuk, na matatagpuan sa layong 250 kilometro kanluran-hilagang kanluran ng Kalayaan, Palawan, ay kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 10 km/h na may lakas na hanging 65 km/h at pagbugsong aabot sa 80 km/h.
Ang Silangang Visayas, Bicol, CALABARZON, at MIMAROPA ay maaaring makaranas ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dahil sa shear line, na may panganib ng flash flood at landslide. Ang Amihan ay nagdudulot ng maulap na papawirin na may mga pag-ulan sa Metro Manila, Cagayan Valley, CAR, Aurora, Bulacan, at Nueva Ecija, habang ang natitirang bahagi ng Luzon ay makararanas ng mahinang pag-ulan.
Maaaring makaapekto ang localized thunderstorms sa Visayas at Mindanao, na magdadala ng paminsan-minsang pag-ulan. Pinapayuhan ang mga residente na manatiling updated at mag-ingat. RNT