Home HOME BANNER STORY Amnesty deadline para sa Pinoy caregivers na may mapapasong work permits pinalawig...

Amnesty deadline para sa Pinoy caregivers na may mapapasong work permits pinalawig ng Israel

MANILA, Philippines- Inihayag ng Israeli government na pinalalawig nito ang amnesty deadline ng caregivers na may mag-eexpire na work permits dahil sa umiiral na sitwasyon sa bansa.

Sa isang panayam nitong Linggo, naglabas ng abiso ang Philippine Embassy sa Israel na nag-isyu ang Population Immigration and Border Authority (PIBA) ng notice noong April 4, 2024 sa lahat ng employers na humiling na palawigin ang work licenses ng kanilang foreign caregivers na tinanggihan ng Humanitarian Committee.

Dahil sa umiiral na sitwasyon sa Israel at para sa benepisyo ng Israeli employers, pinalalawig ng PIBA ang amnesty program na inanunsyo nito noong January 10, 2024 at ipagpapaliban ang paghuli sa caregivers na may expired work permits, kabilang ang mga mula sa Pilipinas, na inaasistihan ng kanilang employers sa pagkuha ng bagong work permits sa ilalim ng Section 1EG ng Foreign Workers law of 1991.

Sa halip na ikasa ang orihinal na April 30 deadline, pinalawig ang programa hanggang July 31, 2024.

Saklaw ng extension ang caregivers na kasalukuyang nagtatrabaho sa tahanan ng kanilang employers subalit kailangan nilang kumpletuhin ang mga kinakailangang rekisitos bago sumapit ang April 30, 2024. RNT/SA