Home NATIONWIDE Amoranto Stadium gagamitin sa verification ng balota sa 2025 polls

Amoranto Stadium gagamitin sa verification ng balota sa 2025 polls

MANILA, Philippines – Gagamitin ng Commission on Elections (Comelec) ang Amoranto Stadium sa Quezon City bilang karagdagang venue para sa verification ng balota para sa 2025 elections.

Sa Kapihan sa Manila Bay forum, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na binigyan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang poll body ng green light na gamitin ang stadium nang libre sa loob ng dalawang buwan.

Sinabi ni Garcia nitong Martes na ang kakulangan ng espasyo sa National Printing Office (NPO) para sa pag-iimbak ng 500 automated counting machines (ACMs) na ginagamit nila para sa verification ng balota ang nagtulak sa Comelec na humingi ng karagdagang venue.

Ayon kay Garcia, dahil sa kakulangan ng espasyo ay 250 machine lamang ang magagamit ng Comelec kada araw.

Sinabi rin ng poll chief na ang pag-verify ng balota ay ginagawa nang manu-mano; ang mga nakalimbag na balota ay ipinapasok sa mga ACM.

Ngayong nagagamit na ang stadium, sinabi ni Garcia mapapabilis na ng Comelec ang ballot verification kasama ang iba pang mga ACM.

Sinabi rin ni Garcia na ligtas ang stadium dahil babantayan ng law enforcement authorities, election observers at Comelec staff ang ballot verification at ang proseso ay ila-livestream.

Inulit ni Garcia na ang transport ng mga balota sa stadium ay magagawa lamang ng may presensya ang media ,election observers at watchdogs. Jocelyn Tabangcura-Domenden