Home NATIONWIDE Ampatuan massacre ginunita ng NPC: Kalayaan sa pamamahayag ipinaninindigan

Ampatuan massacre ginunita ng NPC: Kalayaan sa pamamahayag ipinaninindigan

2693
0

MANILA, Philippines – Sa paggunita ng ika-16 taong anibersaryo ng Ampatuan Massacre, nanindigan ang National Press Club sa panawagan para sa ganap na hustisya, pananagutan, at patuloy na proteksyon ng kalayaan sa pamamahayag sa bansa.

Matatandaan na noong Nobyembre 23, 2009, 58 indibidwal kung saan 32 sa mga ito ay mga mamamahayag, ang walang-awang pinaslang sa Ampatuan, Maguindanao, na itinuturing na pinaka-brutal na pag-atake sa mga mamamahayag sa kasaysayan ng mundo.

Labing-anim na taon mula noong naganap ang nasabing trahedya, binibigyang-diin ng NPC na bagama’t nahatulan na ang ilan sa mga sangkot sa nasabing krimen, hindi pa din ganap na nakukuha ang hustisya dahil ang iba pang mga salarin ay nananatiling nakalaya.

“This commemoration is not only a remembrance of lives lost, but a reminder of the collective responsibility to uphold truth, protect media workers, and ensure that such an atrocity never happens again,” ani NPC President Leonel Abasola.

Sinabi ni Abasola na nagpapaalala sa mga media practitioner ang mga kamakailangang pag-atake na mayroon pa ring mga indibidwal, lalo na ang mga nasa posisyon ng kapangyarihan, na balakid ang mga mamamahayag na maipahayag nila ang katotohanan at pananagutan.

Nagpapakita aniya ang mga insidente ng kagyat na pangangailangan na palakasin ang mga proteksyon para sa mga mamamahayag at matatag na ipagtanggol ang kalayaan sa pagpapahayag.

“Ang NPC po ay masigasig sa paghahanap ng hustisya at hindi din natin pinabayaan ang mga kamag-anak nito, katunayan isang anak ng biktima at iskolar ng NPC ay pumasa na bilang pharmacist, binabati natin si Rhukkymae Montano, anak ni Marife “Neneng” Montano,” ani Abasola.

Inihayag din ni Abasola na isang ektarya ng lupa na matatagpuan sa Brgy. Maan, T’boli, South Cotabato na donasyon ni Rose Tamayo, NPC coordinator ng Visayas at Mindanao ang ibibigay sa mga tagapagmana ng biktima.

“Journalists must remain vigilant, courageous, and committed to practicing the highest standards of ethics and professionalism,” giit pa ni Abasola.

“In honoring the victims of the Ampatuan Massacre, we also reaffirm our duty to ensure that truth-telling continues despite intimidation, harassment, or violence,” dagdag pa ni Abasola.

Nananawagan ang NPC sa mga institusyon ng gobyerno, lipunang sibil, at publiko na magkaisa sa paghingi ng ganap na hustisya para sa lahat ng mga biktima at sa paglikha ng isang kapaligiran kung saan ang mga miyembro ng ika-4 na estado na kilala bilang mga mamamahayag ng bansa ay maaaring gampanan ang kanilang mga tungkulin nang walang takot at walang pag-aalinlangan. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here