
MARAMI ang nag-react sa Cabinet revamp ni Pangulong Bongbong Marcos. Itinuturing na kontrobersyal na desisyon ang panatilihin ang kanyang ‘economic team’, gayong may ilan na nagsasabing sila ang dapat sisihin sa gulo sa national budget.
Pero kung tutuusin, hindi ang economic team ang problema. Ang tunay na may sala: Ang Kongreso, lalo na ang liderato ni Speaker Martin Romualdez.
Ang budget na ipinasa ng Kamara ay hindi para sa bayan, kundi para sa political survival. Mas pinili ang mga ayuda at pork projects kaysa sa mga makabuluhang programa tulad ng Universal Healthcare at edukasyon. Hindi ito plano ng Department of Finance o ng DEPDev. Gawa ito ng Kamara at ng liderato ni Romualdez.
Ang resulta? Budget na para sa political patronage, hindi para sa interes ng bawat Pilipino. Hindi rin natin maikakaila na ito ang dahilan kung bakit bumababa ang ratings ni PBBM. Alam ito ng mga may sala, kung kaya naisip nilang sisihin ang economic team.
Pero kahit gaano kaganda ang fiscal policy, wala itong saysay kung bulok ang pinanggagalingang budget. At tandaan natin, sa House of Representatives nagsisimula ang pondo ng gobyerno.
Kung talagang seryoso si Pangulong Marcos sa reporma, hindi sapat ang Cabinet revamp. Kailangan niyang ayusin ang loob ng Kongreso. Kailangan niyang harapin ang reyalidad na si Romualdez mismo ang hadlang sa Bagong Pilipinas.
Ginamit ni Romualdez ang kanyang koneksyon sa Malacañang hindi para suportahan ang Pangulo, kundi para itulak ang sariling ambisyon. Habang ang iba sa Gabinete ay may delicadeza na magbitiw, si Romualdez ay abala sa pangangalap ng pirma para masiguro ang kanyang Speakership sa 20th Congress. Aba’y, hindi pa nga tapos ang trabaho sa 19th Congress!
At ginagawa na naman niya ‘yung lumang estilo na mamudmod ng pangako ng proyekto, ayuda, o pwesto kapalit ng suporta. At kung tumanggi ka? Pasensyahan na lang at “zero budget” ka.
Klaro na ginagamit niya itong ‘signature campaign’ para pwersahin ang Pangulo. Kasi alam naman natin na para manatiling Speaker, isang boto lang ang pinakaimportante. Ito ay ‘yung boto ng Pangulo.
Hindi Cabinet revamp ang kailangan ng administrasyon. Ang pinakamakabuluhang reporma ay dapat mangyari sa Mababang Kapulungan. Doon nagsisimula ang budget ng bansa. At kung hindi ilalaglag ng Pangulo si Speaker Romualdez, na kitang-kita namang inuuna ang sarili sa halip na ang bayan, paano pa maniniwala ang mga tao na seryoso siya sa reporma?
Imagine-in mo na lang: SONA sa July 28. Si Romualdez pa rin ang nasa likod. Maniniwala ka pa ba?