Home OPINION TAG-ULAN, HABAGAT PUMAPATAY NA

TAG-ULAN, HABAGAT PUMAPATAY NA

NAGSIMULA nang pumatay at magdala ng iba’t ibang anyo nang paghihirap at kasiraan ang tag-ulan na may kasamang habagat, low pressure area, bagyo at iba pa na lumilikha rin ng mga baha na nakamamatay.

Sa ganitong mga kalagayan, nasaan na ang mga ayuda sa mga biktima?

At nasaan na ang flood control projects na sinasabing makaliligtas sa mga mamamayan?

Ayon sa Department of Social Welfare and Development, may 3 milyong food pack na nakaimbak sa 938 na bodega nito.

Sana mabilis na maihatid ang mga food pack na ito sa mga nangangailangang biktima, kasama ang iba pang mga ayuda para sa kanila.

Kung saan-saan na kasi at libo-libo agad ang mga biktima ng masamang panahon.

Halimbawa, bago matapos ang nakaraang buwan, ipinakita ng masamang panahon ang lupit nito nang patayin ng flashflood dahil sa habagat sa Lebak, Sultan Kudarat ang mag-inang sina Maila at Mylene Pulido.

Tinataya namang 200,000 katao ang dinapurak ng baha sa Maguindanao del Sur kasabay ng habagat pa rin sa mga araw ding ito.

Nitong nagdaang araw naman, nalunod ang isang babae at isa ang nawawala sa Balabac, Palawan makaraang tumaob ang bangka nilang sinasakyan habang papunta umano sa Malaysia at naengkwentro nila ang maalon na dagat dahil sa masamang panahon.

Bago nito, libo-libo sa isang lungsod at tatlong bayan ang binaha ng pinaghalong tag-ulan, habagat at low pressure area.

Kasama sa mga binaha ang San Jose del Monte City, Norzagaray, Balagtas, Marilao at Hagonoy.

Mula tuhod hanggang dibdib ang mga baha at libo-libo ang naglalakad na lang papunta sa trabaho o uuwi sa kanilang mga tahanan ang mga biktima.

Hindi biro-biro ang mga ganitong kalagayan kaya naman dapat na mapagbantay at kumilos nang mabilis ang mga kinauukulan.

Gaya ng dati, hindi matatawaran ang katapatan ng mga taong gobyerno, nasyonal at lokal, sa kanilang mga pagkilos.

Pero nasaan naman ang daan-daang bilyong pisong proyektong kontra-baha na ipinagmamalaki ng pamahalaan?