
HINDI kaya magiging malaking dahilan ng deportasyon ang pagsali ng mga Pinoy sa mga rally kontra-deportasyon sa United States ngayon?
May 4.5 milyong Pinoy sa buong US at nakakalat sila sa iba’t ibang estado ng bansang ito.
Mula sa bilang na ito, pinakamalaking grupo ang matatagpuan sa California sa bilang na 1.6 milyon at may 506,000 sa Los Angeles, 310,000 – San Francisco, 201,000 – San Diego, 138,000 – Riverside San Bernardino at 109,000 – San Jose.
May 236,000 din sa New York, 214,000 – Honolulu, Hawaii, 147,000 – Las Vegas, 145,000 – Chicago at 115,000 – Seattle at nakakalat ang iba sa iba pang mga estado.
SUMASALI SA MGA RALLY
Sumasali sa rally ang maraming Pinoy para sa pananatili ng nasa 350,000 na posibleng ma-deport dahil sa iligal nilang paninirahan doon at iba pang mga paglabag sa mga batas.
Ngayong sumasali sila, malamang na madagdagan ang 350,000 sa mga mapalalayas.
Sapagkat nahaharap sila sa mga bintang na gaya ng “obstruction” o pagharang sa Immigration and Customs Enforcement na mag-raid sa mga tahanan, pabrika, farms, opisina, mall at iba pa na roon nagtatrabaho ang nasa 10-12 milyong dayuhan.
Nagre-raid ang ICE para mang-aresto, mangkulong at mag-deport.
Sa Los Angeles lamang, nagiging madugo at magulo ang mga rally dahil gumagamit ang mga raliyesta ng mga bato at iba pang pupwedeng ihagis na nakasasakit at may mga nanununog o naninira pa ng mga sasakyan at iba pa.
Gumagamit naman ang mga pwersa ng pamahalaan ng mga tear gas at hindi nakamamatay na bala ng baril sa pagsugpo sa mga rally na umaabot na sa limang araw.
Gamit na ng US ang lahat ng mga pwersa nito mula sa mga tauhan mismo ng ICE, pulis, traffic police, National Guard at Marines.
Ito’y para matiyak umano ang kapayapaan at kaayusan.
Sa pinakahuling ulat, may naaresto nang isang Pinoy at mahigit 40 iba pa na mga lider at suporter ng mga rally.
Habang tuloy-tuloy ang rally, tiyak na masusundan pa ang mga pang-aaresto at isang malaking dahilan ang pagsali sa mga rali na may kaguluhan at sakitan.
SA PINAS, MGA DAYUHAN BAWAL SA RALLY
Sa ating bansa, bawal ang sinomang dayuhan na sumali sa mga rally laban sa pamahalaan at mga patakaran nito.
Magiging dahilan ito ng deportasyon ng dayuhan na sasali sa mga rally.
Sa US, bagama’t sinasabing mas maluwag ang patakaran, hindi imposibleng ang pagsali sa rally ay maging dahilan ng deportasyon lalo’t may kasamang mga kaguluhan at sakitan na ikinasusugat na rin ng mga pwersa ng pamahalaan doon.
AYUDA AT PAGSALO SA MGA DEPORTEE NASAAN?
Dahil tiyak nang darami ang mapapauwi sa Pinas na wala sa oras, isang malaking katanungan ang kahandaan ng pamahalaan sa pagsalo at pag-ayuda sa mga ito.
Bukod sa malaking posibilidad na walang-wala sila sa pagdating, nasaan ang mga ayuda ng pamahalaan sa kanila at sa madaratnan nilang pamilya na walang-wala rin dahil nabubuhay sila remittance ng mga overseas Filipino workers na palalayasin?