Manila, Philippines — Aminado si Angelica Hart na dream project niya ang TV series na Totoy Bato ng TV5, na tinatampukan ni Kiko Estrada.
Sambit ng aktres, “Ang dream project ko po actually, itong teleseryeng Totoy Bato, dream ko po kasi talaga ang sumabak sa action.”
Pahabol pa ni Angelica, “Kasi, ang idol ko po ay si Angelina Jolie.”
Nabanggit ni Angelica na sobrang happy siya sa pagkakasali sa project na ito.
“Nang napasok po ako rito, sobrang saya ko po. Kasi po, kahit sino naman ay pangarap magkaroon ng teleserye, hindi ba? Kaya thankful po ako talaga sa Totoy Bato.”
“Ang role ko rito ay si Pierra, taga-hawak ng sikreto at nagtatrabaho sa Bahay na Pula. Kasama ko rito si Jamilla Obispo. Medyo bad pa ako rito ngayon, GRO ako ro’n. Si Jett (Andrew Muhlach) ang love interest ko rito.”
Nakilala man si Angelica sa larangan ng pagpapa-sexy sa mga pelikula ng Vivamax, sinabi ng magandang aktres na ginawa lang niyang stepping stone ito para makilala at makapasok sa mainstream TV.
Pero nilinaw niyang walang masama ang magpa-sexy sa pelikula at saludo siya sa mga sumasabak dito.
“Naniniwala ako na walang masama sa pagiging sexy actress. Sobrang proud ako sa kanila kasi kaya nilang gawin iyon. Actually, hindi po madaling gawin ‘yung pagpapa-sexy na ginawa namin. Para sa babae, at lalo na po sa bansa natin na conservative, hindi po madaling gawin iyon.
“Kailangan ng confidence at lakas ng loob doon. Hindi madali iyon, kaya saludo ako sa lahat ng dumaan sa gano’ng phase,” pahayag pa niya.
Ano ang wish niyang mangyari sa kanyang showbiz career ngayon?
“Ang wish ko sa career ko ay maging smooth at ma-guide ako ni Lord sa bago kong tinatahak na landas at maging successful sa lahat ng gagawin ko po,” nakangiting sambit pa ni Angelica.