Home METRO Guro arestado sa pagmolestya sa Grade 3 sa iskul

Guro arestado sa pagmolestya sa Grade 3 sa iskul

242
0

TARLAC – Inaresto ang isang guro na class adviser ng grade 3 pupil matapos umanong akusahan ang una ng ina ng huli ng panggagahasa sa loob mismo ng paaralan, iniulat kahapon sa bayan ng Paniqui.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Samuel Quibet, hepe ng Paniqui Police Station, isang araw matapos arestuhin, nakalaya rin kaagad ang 23-anyos na suspek kinabukasan sa utos ng piskal nang didinggin na sana ang sakdal laban sa guro.

Depensa ng abogado ng titser, ilegal ang ginawang pagdakip sa kanyang kliyente.

Sinabi naman ni Quibet na inirekomenda ng piskal na hindi sapat ang basihan ng sakdal laban sa suspek, pero puwede pa ring magsagawa ng preliminary investigation.

Ngunit habang isinasagawa ang imbestigasyon, iniutos ng piskal na palayain ang suspek.

Tumanggi na muna na magbigay ng pahayag ang suspek, alinsunod sa payo ng kanyang abogado.

Base sa reklamo ng ina ng biktima, nagsumbong ang kanyang anak na 8-anyos na pinapasok siya sa ‘confession room’ sa loob ng paaralan ng kanyang guro, saka isinakatuparan ang makamundo nitong pagnanasa.

Sinabi ng ina ng bata na nagdulot ng matinding trauma sa kanyang anak ang pangyayari at palaging binabanggit ang “dark room,” hanggang sa hindi na ito pumasok sa paaralan.

Sinasabing apat na estudyante ang pinapasok ng guro sa confession room, pero ang biktima lang umano ang pinagsamantalahan nito.

“Hindi na maibabalik, nasa trauma ang anak ko,” sabi ng ginang. “Lagi niyang sinasabi, ‘Mama, dark room, ayokong pumasok sa dark room.’”

Sa pahayag naman ng pamunuan ng paaralan, sinuspinde na ang suspek at ikinagulat din nila kung bakit may “confession room” ang guro, na ngayon ay ipinakandado na nila.

Nangako naman ang pamunuan ng paaralan na makikipagtulungan sila sa gagawing imbestigasyon ng pulisya hanggang sa lumabas ang katotohanan.

Maglalagay na rin ang paaralan ng CCTV camera, at magpapatupad ng patakaran na bawal hawakan ng mga guro ang kanilang mga estudyante./ Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here