MANILA, Philippiens – Ang Pilipinas ay nagpatupad ng pansamantalang pagbabawal sa pag-import ng mga produktong hayop mula sa Germany dahil sa mga naitalang kaso ng Foot-and-Mouth Disease (FMD) sa bansa.
Ang pagbabawal, na ipinatupad noong Pebrero 10, 2025, ay sumasaklaw sa mga produktong mula sa mga hayop na madaling mahawa ng FMD.
Ang desisyon ay kasunod ng abiso ng Germany sa World Organization for Animal Health (WOAH) ukol sa mga kumpirmadong kaso ng FMD sa mga domestic buffaloes sa Hoppegarten, Brandenburg.
Inihayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na mananatili ang pagbabawal hanggang maibalik ng Germany ang FMD-free status mula sa WOAH.
May mga produktong hindi saklaw ng pagbabawal, tulad ng ultra-high temperature milk, heat-treated meat sa mga hermetically sealed containers, protein meal, gelatin, at semi-processed leather, basta’t tumutugon sa mga kondisyon ng Pilipinas para sa pag-import.
Ipinag-utos din ng DA ang suspensyon ng pagbibigay ng sanitary at phytosanitary import clearances. Ang mga produktong nasa biyahe o sa mga pantalan na nanggaling sa mga hayop na pinatay bago ang Disyembre 26, 2024, ay hindi rin saklaw ng pagbabawal.
Ang FMD ay isang highly contagious viral infection na nakakaapekto sa mga hayop, lalo na ang mga baka, at may mataas na rate ng pagkamatay sa mga batang hayop. Santi Celario