Home OPINION ANO ANG MAGAGANAP SA 2025 NATIONAL BUDGET?

ANO ANG MAGAGANAP SA 2025 NATIONAL BUDGET?

NASA Baguio City ang lahat ng mga Hukom o Justice ng Supreme Court at sinasabing isa sa mga mapag-uusapan nila ang kontrobersyal na General Appropriations Act (GAA) of 2025 o pambansang badyet na pinirmahan ni Pangulong Bongbong Marcos noong Disyembre 2024.

Ipinag-utos o kaya’y hiniling ng Supreme Court sa Kongreso na isumite sa kanila ang mga orihinal na kopya ng GAA at General Appropriation Enrolled Bill at sa araw na ito, katanghaliang tapat, ang pagsusumite nang personal ng nasabing mga dokumento.

Itong GAA ang kopya ng pambansang badyet na pinirmahan ni Pang. Bongbong habang ang GAEB ang naglalaman ng pinal na kasunduan ng mga miyembro ng bicameral conference committee o Bicam mula sa Kamara at Senado at pirmado ng Kalihim ng Senado at Pangkalahatang Kalihim ng House of Representatives at ng Senate President at Speaker of the House of Representatives (HOR) o Kamara.

BUKINGAN SA BLANGKONG GAEB

Karaniwang dinadala ang mga kopya ng GAEB sa Senado at HOR para pagpasyahan o ratipikahan sa plenaryo o lahat ng miyembro ng Kamara at Senado nang hiwalay.

Ngunit dapat umanong walang blangkong espasyo para sa mga halaga na inilaan para sa mga ahensya, programa at proyekto ng gobyerno bago ito iharap sa plenaryo para sa pagbusisi at pagratipika.

Ang nangyari umano, ayon sa mga nagsampa ng kaso sa Supreme Court gaya nina Atty. Vic Rodriguez at Kongresman Isidro Ungab, basta na lang inirekord ang GAEB sa Kamara nang may mga blangko at pirmado at makaraan ang madaliang ratipikasyon, ipinaimprenta na at paglabas, kumpleto at wala nang blangko bilang GAA na siyang pinirmahan naman ni Pang. Bongbong.

Ayon naman kay Kongresman Estella Quimbo, ang paglalagay ng halaga sa mga blangko ay trabaho na ng technical staff ng Senado at Kamara at gawang calculator na lang iyon dahil nakabatay naman sa kasunduan.

Ngunit hindi lang si Ungab ang nakatanggap ng pirmadong GAEB na may mga blangkong espasyo kundi ang iba pa, gaya ni Raoul Manuel ng Kabataan Partylist.

Ani Manuel, ilang minuto lang ang pamamahagi ng kopya sa present na mga kongresman bago niratipikahan ang GAEB at sa pagbubukat nito, may mga blangkong espasyo, lalo na kaugnay sa ilang badyet sa agrikultura.

At nagtatanong siya kung sino ang naglagay ng laman sa mga blangkong espasyo sa kopya ng GAA.

Mismong si Sen. Imee Marcos ay nagsabing ang ganitong iskam sa Bicam ang dahilan ng hindi niya pagpirma sa GAEB.

MGA ISYU

Labag nga kaya sa Konstitusyon ang GAA dahil sa umano’y “minadyik” na pagpuno sa mga blangkong ispasyo na nagkakalaga ng bilyon-bilyong piso?

Dagdag na tanong: Iligal at labag din ba sa Konstitusyon ang pagbasura sa panukalang P74B badyet para sa PhilHealth at ginawang zero budget?

Labag din ba sa Konstitusyon ang pagbibigay ng higit na badyet sa Department of Public Works kaysa sa programang dukasyon?

Ano sa palagay ninyo, mga Bro, ang pagpapasya ng Supreme Court sa mga ito?