Home HOME BANNER STORY Vlogger pormal na sinampahan ng reklamo ni Torre

Vlogger pormal na sinampahan ng reklamo ni Torre

MANILA, Philippines – Pormal nang naghain ng reklamo si Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Police Major General Nicolas Torre III laban sa isang vlogger dahil sa pagpapakalat ng maling impormasyon na nagsabing siya ay naospital umano.

Ani Torre, plano niyang maghain ng reklamo sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act, partikular ang Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances sa ilalim ng Revised Penal Code.

Ang reklamo ay nag-ugat sa social media posts ni “Jun Abines.”

Partikular na inupload ni Abines ang umano’y larawan ni Torre na may caption na: “Isinugod daw sa ospital si Gen. Nicolas Torre?”

Pinabulaanan ni Torre ang naturang pahayag at sinabing dahil sa post ay nag-alala ang kanyang pamilya, mga kaibigan at kakilala.

“Most probably it’s a real photo na sinuperimpose sa mukha ko. May double chin ‘yung tao eh,” sinabi pa ng opisyal.

“Nangangamusta ang mga kaibigan, mga kakilala, mga kamag-anak hanggang sa abroad na, ‘Anong nangyari sa’yo? Grabe ka na ba? Malubha ka na ba?’ Sabi ko, ‘Napaka-foul naman nito,” dagdag ni Torre.

Nitong Sabado, Pebrero 22 ay isinilbi ng mga operatiba ang search warrant sa tirahan ni Abines sa Cebu City.

Kinumpiska ng mga awtoridad ang electronic devices para sa pagkalap ng mga ebidensya.

Hinamon ni Torre ang vlogger na magbigay ng ebidensya sa kanyang pahayag.

“Kasi itong problema sa mga vloggers na ito, daldal nang daldal, ayaw namang isulat, ayaw namang pirmahan ang kanilang mga claims para masagot natin nang maayos. Kaya I really don’t want to dignify those kinds of accusations,” aniya. RNT/JGC