
DAKONG alas-10 ng umaga, Pebrero 25, 1986, iprinoklama si ex-President Corazon Aquino bilang bagong Presidente sa Club Filipino sa San Juan.
Ilang oras lang makaraan, iprinoklama rin si ex-President Ferdinand Marcos bilang Presidente muli.
Naglaban sina Aquino at Marcos sa eleksyong ginanap noong Pebrero 7, 1986.
Pero hindi na napigilan ang pamamayani ni Aquino dahil sa araw na iyon, nagaganap na ang EDSA People Power.
Pagdating ng gabi, dakong alas-9:00 ng gabi, inilipad na si Marcos palayo sa lugar ng dalawang helikopter na naglanding sa kampo ng Presidential Security Group sa kabilang bahagi ng Malakanyang.
Sa mga oras na ito, may lumusob na sa Malakanyang at nakipagbakbakan sa mga Marcos loyalist at habang nagtatagal, lumayas na rin ang mga PSG na nagbabantay sa Palasyo ng Malakanyang.
Napasok ang Palasyo ng maraming lumusob at nilimas ang mga ari-ariang Marcos, kasama ang mga bungkos ng salapi na naiwan ng mga Marcos at PSG.
Madaling araw na nang may mga pulis o sundalo na dumating para protektahan ang Palasyo at mga laman nito.
Sa ibang salita, habang nagsasaya ang mga nasa EDSA sa paglayas ng pinagbintangang magnanakaw, pinutakti naman ang Palasyo ng mga magnanakaw.
Ang naging malinaw, habang napalayas na sina Marcos sa bintang ng pagnanakaw, sinamantala naman ng mga magnanakaw na kontra-Marcos ang Palasyo.
Nagpatuloy ang mga bintang ng pagnanakaw sa gobyerno mula noon hanggang ngayon.
Kabilang sa umano’y sentro ng nakawan ang 250 bilyong inilaan laban sa baha noong 2023 ng pambansang pamahalaan at sa kabuuan, umabot sa P450B kung isasama ang mga proyekto ng mga lokal na pamahalaan, ayon kay Senate President Chiz Escudero.
Sinabi naman ni Senator JV Ejercito na may P300B taon-taong anti-flood budget pero inilantad ng bagyong Carina ang kawalang-silbi ng mga ito laban sa baha.
Ngayon, may gustong buhayin ang espiritu umano ng EDSA na laban sa mga magnanakaw bukas.
Ano ‘yun?