Home NATIONWIDE Año pumalag sa ‘grand conspiracy theory’ sa pag-aresto kay Duterte: ‘Walang katotohanan’

Año pumalag sa ‘grand conspiracy theory’ sa pag-aresto kay Duterte: ‘Walang katotohanan’

MANILA, Philippines- Mariing pinalagan ni National Security Adviser Eduardo Año ang paratang na sangkot ito sa sinasabing “grand conspiracy theory” sa pagdakip kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nakakulong ngayon sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

Sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on foreign relations, sinabi ng dating miyembro ng Gabinete ni Duterte na masyadong mahirap para sa kanya na makita ang dating Pangulo na aarestuhin.

Pero, nilinaw niya na bilang kasalukuyang national security adviser sa ilalim ng Marcos administration, limitado lamang ang kanyang papel sa pag-aresto sa pagsusuri ng sitwasyon na sumiklab ang insidente na may pangamba sa pambansang seguridad.

“The implementation of the ICC warrant is beyond my mandate and I have no part in it. And may I also state for the record that I am not aware of any core group, nor am I a member of such group that allegedly planned and prepared for the arrest of former President Duterte,” ayon kay Año.

“It is utterly unacceptable and unfair that my name is being dragged into an alleged grand conspiracy. I firmly deny any allegations of a grand conspiracy. In fact, the events on March 11 were spontaneous,” dagdag niya.

Sinabi ni Año, nagsilbi bilang Chief of Staff of the Armed Forces of the Philippines (AFP) at naging kalihim ng Interior and Local Government sa Duterte administration, na hindi siya nakipaglaro sa politika o mayroon siyang ambisyong politikal.

Nagpahayag naman ng sama ng loob si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, isa sa sangkot sa kasing crime against humanity para sa aplikasyon ng warrant of arrest sa ICC, sa dating kasamahan sa Gabinete.

Ayon kay Dela Rosa, dapat sana “out of courtesy” ay napagsabihan man lamang ni Año ang Duterte team na nasa Hong Kong noon, na aarestuhin ang dating pangulo kapag lumapag sa Pilipinas.

Nakadinig din umano siya na may kasamang traydor umano ang Pangulo sa grupo nito na nagtungo sa Hong Kong, na hindi naman nito mapangalanan.

“May narinig rin ako, but I cannot confirm or deny dahil hindi ko man kilala kung sino ang tao ‘yun na alluded to, na nagsabi ng gan’un. Hindi ko man alam, hindi ko kilala kung sino. Pero may mga tsismis na ganon,” ayon sa senador. Ernie Reyes