MANILA, Philippines – Inaprubahan na sa House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang matagal nang nakabinbing panukalang batas na nagbabawal sa political dynasties, na itinuturing na isa sa pinakamahalagang electoral reform bill sa mga nakalipas na taon.
Sa botong 267 pabor, 20 ang kontra, at pitong abstentions, lusot na sa Kamara ang House Bill (HB) No. 8389, o ang “Anti-Political Dynasty Act.”
Sa ilalim nito, ipinagbabawal sa mga mag-asawa at magkakamag-anak hanggang second degree of consanguinity o affinity (kamag-anak sa dugo o sa kasal) na sabay na humawak o tumakbo sa mga elektibong pwesto sa parehong hurisdiksyon.
Ayon kay Majority Leader Sando Marcos, pangunahing may akda ng panukala, ang pagpasa sa bill ay patunay na handa na ang Kongreso na harapin ang isa sa pinakamalalim na isyung pampulitika sa bansa upang palawakin ang partisipasyon ng publiko at patatagin ang tiwala sa demokrasya.
Layon ng panukala na bigyang-buhay ang Section 26, Article II ng 1987 Constitution na nag-aatas sa Estado na tiyakin ang pantay na oportunidad sa serbisyo publiko at ipagbawal ang mga political dynasty base sa itatakda ng batas.
Sakop ng ban ang mga pambansa at lokal na posisyon kabilang ang pagkapangulo, bise presidente, Senado, Kamara, at mga pwesto sa probinsya, lungsod, at munisipalidad.
Obligado rin ang mga kandidato na magsumite ng sworn declaration sa Commission on Elections (Comelec) na nagpapatunay na hindi sila lalabag sa batas na ito.
May kaukulang parusa naman ang sinumang magtatago ng impormasyon, magsusumite ng pekeng dokumento, o gagawa ng paraan para ikutan ang nasabing pagbabawal. Gail Mendoza