Home NATIONWIDE Armyworm infestation sa sibuyas binabantayan ng DA

Armyworm infestation sa sibuyas binabantayan ng DA

MANILA, Philippines- Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) nitong Biyernes ang patuloy na pagbabantay sa gitna ng pamemeste ng armyworm sa ilang onion plantations sa bansa, at mahigpit umanong imo-monitor ang peak harvest para sa sibuyas mula Marso hanggang Abril.

Inihayag ito ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing sa gitna ng hiling ng Philippines Chamber of Food and Agriculture Inc. (PCAFI) tna mag-angkat ng sibuyas sa Mayo, sa paglala ng epekto ng infestation dahil sa El Niño.

“At this time, siguro titingnan muna natin iyong kabuuan ng harvest season bago magkaroon ng rekomendasyon na pag-i-import sa ating Kalihim [Francisco Tiu Laurel Jr.]),” wika ni de Mesa.

Ayon kay De Mesa, batay sa kanilang pinakabagong monitoring, ang sukat ng apektadong lugar ay 18 ektarya, mas mababa sa mas malawak na onion plantation.

Sa taong ito, umabot ang lawak ng lupang tinaniman ng sibuyas sa halos 10,338 ektarya sa Central Luzon lamang.

“Tumaas ito ng almost 40 percent from 7,000 [hectares] noong nakaraang taon, at base doon sa datos na na-submit sa amin, 17.8 hectares iyong totally damaged at about 2,400 [hectares] partially damaged with still chance of recovery,” sabi ni de Mesa.

Bukod sa monitoring, siniguro niya na magbibigay ang DA ng interbensyon sa mga apektadong magsasaka.

“Iyong ating regional crop protection center ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa ating magsisibuyas para siguraduhin na tulungan sila na hindi lumala ang epekto ng harabas.”

Samantala, iniulat ni De Mesa ang P20 bawas-presyo sa pula at puting sibuyas mula sa P100/kilogram price level nito noong nakaraang linggo.

Hanggang nitong March 14, inihayag ng DA Bantay Presyo (price watch) na ang umiiral na presyo ng local red onions ay pumapalo sa P60/kg hanggang P120/kg, at P50/kg hanggang P100/kg para sa local white onions. RNT/SA

Previous articleWorld record sa pinakamalaking human lung formation nasungkit ng PH!
Next article#WalangTubig sa ilang lugar sa QC sa March 19-22