Home ENTERTAINMENT Arnell, may statement sa pagkakasibak sa OWWA!

Arnell, may statement sa pagkakasibak sa OWWA!

Manila, Philippines – Usap-usapan pa rin si Arnell Ignacio tungkol sa pagkakasibak sa kanya bilang OWWA Administrator.

Pinayuhan nga raw siya na umiwas at hindi na muna magsalita hinggil dito.

Nagbigay lang ng statement si Arnell nung lumabas ang desisyon ni President Bongbong Marcos na papalitan na siya ng Migrant Workers Undersecretary Patricia Caunan.

“Kung ito ang desisyon ng Palasyo, wala akong sama ng loob. Sa lahat ng OFWs at OWWA employees na na­ging parte ng aking panunungkulan, maraming salamat,” banggit pa ni Arnell.

“Naglingkod ako nang buong puso, at mananatili akong tagasuporta ng mga OFW saan man ako dalhin,” dagdag pa niya.

Hindi na rin sinagot si Arnell ang ibang tanong ko. Pero sa totoo lang ang daming nagtatanggol kay Arnell, huh!

Halos lahat na mga OFW na nagko-comment sa ilang online news ay hindi naniniwala sa ibinibintang sa kanya sa pera.

May ilan ding taga-showbiz na nagpo-post sa kanilang social media account kung gaano nila kakilala ang dating OWWA administrator.

Kami man ay naniniwala na may kinalaman ang pulitika sa nangyaring ito sa aktor, huh!

Samantala katatapos lang ni Arnell ng pelikulang Jackstone 5 na in-affiliate pa naman niya sa OWWA.

Wala raw tinanggap na talent fee si Arnell sa pelikulang yun.

“Hindi puwede. Kasi hindi mo maipag­hihiwalay e. Kakaila­ngan nung project ‘yung consultation e,” katwiran pa niya.

Bago mag-eleks­yon ay natapos na nila ang shooting ng pelikulang iyun na tumatalakay sa kuwento ng limang magkakaibigang bading na naging OFW.

Kaya maiko-connect daw nila sa programang pino-promote ng OWWA, huh!

“Kasi ito rin naman ang gagawin namin e. Kaila­ngan din naming makagawa ng mga programa na may kinalaman sa information dissemination.

“Dito kasi madi-discuss e. Parang ginawa natin sa When I Met You In Tokyo. E napaka-effective ng medium ng pelikula para ipaliwanag.

“Instead of pa-seminar kami nang pa-seminar. E dito sa karanasan na mapapanood nila, sa dinaanan namin, mas madaling intindihin.

“Ang programa ng OWWA, ano ang dapat mong gawin kapag ganitong mangyari….mas madali,” babggit pa Arnell. Jimi Escala