BACOLOD, Philippines – Kinumpirma ng City Veterinary Office (CVO) na may naitalang bagong kaso ng African Swine Fever (ASF) sa mga barangay ng Granada at Bata sa Bacolod City.
Ayon sa CVO, dalawang sample mula sa Barangay Bata ang nagpositibo sa paunang at confirmatory laboratory tests.
Dahil dito, apat na barangay na ang may kumpirmadong kaso ng ASF: Alijis, Taculing, Granada, at Bata.
Patuloy ang CVO sa pagsasagawa ng disinfection at mahigpit na biosecurity measures sa mga lugar kung saan may ASF-positive na mga baboy upang mapigilan ang pagkalat ng virus.
Hinimok ng CVO ang mga hog raiser na paigtingin ang biosecurity sa kanilang mga alagang baboy at agad iulat ang anumang kakaibang sakit o pagkamatay ng mga ito.
“By remaining vigilant and adhering to established biosecurity protocols, we can collectively minimize the impact of ASF, protect the livelihoods of our hog raisers, and ensure the continued stability and sustainability of the city’s livestock sector,” pahayag ng CVO.
Muling inaktiba ang ASF Task Force ng lungsod at ipinagbawal na rin ang pagpasok ng mga buhay na baboy, karne ng baboy, at iba pang pork products mula sa mga lugar na may kumpirmadong kaso ng ASF. RNT/MDS