PANGASINAN, Philippines – Patay ang dalawang lalaki habang sugatan ang isang babae matapos silang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Malasiqui, Pangasinan nitong Sabado ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang dalawang nasawi na edad 24 at 22, kapwa walang asawa at walang trabaho. Ang mga biktima at ang sugatang babae ay pawang residente ng Barangay Barang.
Sa paunang imbestigasyon, nag-uusap ang mga biktima at ilang residente sa gilid ng kalsada bandang 5:30 p.m. nang huminto ang motorsiklong sinasakyan ng dalawang lalaki.
Bumaba ang angkas, bumunot ng baril, at paulit-ulit na pinaputukan ang mga biktima.
Patuloy ang follow-up operation ng Malasiqui Police Station upang matukoy at maaresto ang mga salarin. RNT/MDS