MANILA, Philippines – iTINUTULAK ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM2) ang pagsusuri sa mga epektibong modelo ng asynchronous learning para matugunan ang learning gap sanhi ng madalas na suspensyon ng klase dahil sa masamang panahon.
Sinabi ni EDCOM2 Executive Director Dr. Karol Mark Yee, natuklasan sa pag-aaral ng komisyon na nasa 30 hanggang 50 araw ng 180-day school year ang nawawala sa nakalipas na dalawang taon dahil sa mga class suspension.
Dahil dito, nahihirapan aniyang habulin ng mga mag-aaral ang mga aralin na dapat nilang matutuhan sa loob ng isang quarter.
“Nakita natin sa nakaraang dalawang taon, minsan 30, 40, 50 days ang nawawala sa isang school year. Paano mo matutunan ‘yung lahat ng leksyon sa isang buong quarter? Kahit habulin natin ‘yun, hindi natin kayang habulin ‘yun ng bigla-bigla,” ang sinabi ni Yee sa isang panayam.
Winika pa ni Yee na hindi sapat ang biglaang paghabol sa mga naantalang aralin dahil kailangang isaalang-alang ang oras at kapasidad ng mga guro at estudyante.
“Dapat may monitoring and evaluation ang DepEd [kung] anong mga asynchronous models ang gumagana o hindi, para ‘yung mga hindi, itigil ‘yun at ‘yung mga gumagana, ‘yun ‘yung palawakin,” aniya pa rin.
Kaya naman nais ng EDCOM2 na masuri ang mga asynchronous learning models na maaaring gamitin upang maipagpatuloy ang pag-aaral kahit walang face-to-face classes.
Layunin nitong mabawasan ang learning gaps at matiyak na hindi tuluyang mawawala ang mahahalagang araw ng pagkatuto ng mga estudyante dahil sa mga suspensyon ng klase.
Para kay Yee, ang face-to-face classes ay “best way” para sa mga estudyante para matuto lalo na sa kindergarten at basic education lalo pa’t ito ang yugto kung saan ang mga estudyante ay natututong magbasa at magsulat.
Ipinanukala naman ni Yee ang mas malawak na konsultasyon kasama ang mga kinauukulang ahensiya para ipatupad ang mas epektibong class suspension policy.
“While the safety of the children is extremely important and is paramount, we need to save learning days kung kaya natin,” aniya.
“Kung puwedeng granular ‘yung suspension para kung may mga probinsiya kung saan hindi lahat ng munisipyo naapektuhan ng baha at ulan, baka puwedeng tumuloy sila sa pag-aaral. Hindi ‘yung blanket lagi ‘yung suspension natin,” ang sinabi pa ni Yee. KRIS JOSE