MANILA, Philippines- Tuloy ang 100-boat civilian mission sa West Philippine Sea (WPS) sa May 15 sa kabila ng water cannon attacks ng China kamakailan sa Scarborough Shoal, ayon sa organizer nito, ang Atin Ito Coalition.
Inihayag ni Atin Ito co-convenor at Akbayan Party president Rafaela David nitong Biyernes na ang grupo ay “not intimidated by China’s latest act of violence and harassment.”
“Hindi tayo nagpapatinag. We’re like plants watered by adversity – thriving, not just surviving. Parang halamang dinidiligan ng tubig, lalo lamang namumulaklak ang ating pagkakaisa para ipaglaban ang WPS,” giit niya.
“China’s water cannon attacks in the West Philippine Sea is a broken philosophy. They are not getting the desired results. On the contrary, they only nourish Filipino resolve in the WPS,” dagdag ni David.
Nilalayon ng ikalawang iteration ng misyon na magsagawa ng “peace and solidarity regatta” at maglagay ng markers o buoys sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc.
Lalahukan ang misyon ng dalawang main civilian boats na sasamahan ng 100 small fishing vessels na maglalayag mula sa Zambales.
Inimbitahan din sa aktibidad ang international observers para sa dokumentasyon ng sitwasyon sa WPS at upang masaksihan ang mga hamong kinahaharap ng mga mangingisdang Pilipino at ng frontliners.
Balak ng Atin Ito na maghatid ng essential supplies tulad ng langis sa mga mangingisdang Pilipino sa lugar.
Inihayag ni Navy spokesperson for the WPS Commodore Roy Vincent Trinidad na suportado ng militar ang civilian mission at tutulong dito sa pamamagitan ng pagbabantay sa kaligtasan nito.
Maigting ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa Bajo de Masinloc.
Nitong Martes, iniulat ng Philippine Coast Guard na binomba ng Chinese Coast vessels ng tubig ang Philippine civilian vessels papuntang Bajo de Masinloc.
Dahil dito, nnagtamo ng pinsala ang Philippine vessels.
Inaangkin ng China ang halos kabuuan ng South China Sea, na ibinasura ng international arbitration tribunal sa The Hague noong 2016 sa pagsasabing wala itong legal na basehan. Subalit, patuloy ang pagbalewala ng Beijing sa nasabing desisyon. RNT/SA