MANILA, Philippines – Tanging ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang na lamang ang at-large matapos maaresto ng mga awtoridad ang lahat ng kanyang mga co-accused sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ayon sa PNP-CIDG na lahat ng co-accused ni Ang sa bisa ng arrest warrant ng Lipa, Batangas RTC Branch 13 ay nasa kustodiya na ng pulisya noong Biyernes ng gabi.
Ang pinakahuling naaresto ay isang dating pulis na na-dismiss sa serbisyo.
Nasa kustodiya na rin ng PNP ang mga co-accused ni Ang sa ilalim ng warrant na inilabas ng Sta. Cruz, Laguna RTC Branch 26.
Nabigo ang pulisya na maihatid ang arrest warrant kay Ang sa kanyang mga kilalang tirahan at ari-arian sa Pasig City, Mandaluyong, Laguna, at Batangas.
Ayon pa sa mga awtoridad, wala silang impormasyon na umalis ng bansa si Ang.
Nag-alok ang pamahalaan ng P10 milyong pabuya para sa impormasyong magtuturo sa pag-aresto kay Ang.
Pinayuhan naman siya ng kanyang abogado na huwag munang sumuko.
“[I] have yet to see the order of the Lipa Court… [I] need to see [the] basis for issuing [the] warrant and the court’s disposition of our motion to defer issuance of the warrant,” pahayag ng abogado ni Ang na si Atty. Gabriel Villareal.
Tinuligsa ito ng Department of Justice.
“A warrant of arrest lawfully issued by a competent court should be strictly adhered to. The suggestion that one resist and disobey the lawful orders of a court is not only ill-advised but also unethical and potentially criminal. And it opens up his client to further criminal liability,” ayon kay DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez. RNT/MND