Home NATIONWIDE Aurora naka-red alert sa Bagyong Nika

Aurora naka-red alert sa Bagyong Nika

MANILA, Philippines – Bilang bahagi ng paghahanda sa Bagyong Nika, itinaas na ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ang red alert status sa probinsya.

Ayon kay Governor Reynante Tolentino, na nagsisilbi ring PDRRMC chair, nagsagawa na sila ng pre-disaster assessment meeting sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

“We are on red alert, which means all agency personnel must be on duty to respond to calamities and the emergency operation assistance was activated,” ani Tolentino.

Suspendido na rin ang pasok sa lahat ng antas ng paaralan at trabaho sa pamahalan sa probinsya ngayong Lunes, Nobyembre 11.

Inatasan ng gobernador ang PDRRMC na siguruhin ang kaligtasan ng mga residenteng naninirahan malapit sa danger zones, partikular na ang mga bayan ng Dinalungan, Casiguran at Dilasag.

Humingi na ng tulong si PDRRMO chief Elson Amado Egargue sa pulisya, Philippine Army at Philippine Coast Guard ng suporta sa oras ng pangangailangan.

Ang danger zones ay ang mga low lying, landslide-prone areas, at mga malapit sa tubig.

Samantala, sinabi ng Provincial Social Welfare and Development Office na nagpapatuloy ang repacking ng mga food pack sa Aurora Trading Center.

“I am calling on the public to take pre cautionary measures and be prepared for the typhoon, follow protocols, and be updated for the weather advisories,” pagtatapos ni Tolentino. RNT/JGC