MANILA, Philippines – Binalaan ng pinuno ng panel ng Kamara nitong Linggo, Nobyembre 10 ang pitong opisyal ng Office of the Vice President (OVP) na maaari itong ipaaresto kung paulit-ulit nilang iisnabin ang patawag ng komite para dumalo ang mga ito sa pagdinig ng Kamara ngayong Lunes, Nobyembre 11.
Ipina-subpoena ng House committee on good government and public accountability ang mga opisyal ng OVP na sina chief of staff Zuleika Lopez; assistant chief of staff and bids and awards committee chair Lemuel Ortonio; administrative and financial services director Rosalynne Sanchez; special disbursing officer Gina Acosta; chief accountant Julieta Villadelrey; maging sina Edward at Sunshine Charry Fajarda, na inilipat sa Department of Education at kalaunan ay inilipat sa OVP nang magbitiw sa pwesto si Vice President Sara Duterte bilang education secretary noong Hunyo.
Tanging dalawa lamang sa mga opisyal na ito ang nagkumpirma ng kanilang attendance sa hearing ngayong araw. Ito ay sina Sanchez at Villadelrey.
Nag-isyu na ng immigration lookout bulletin order ang Department of Justice para sa pito matapos ang hiling ng panel.
“The committee has summoned these officials multiple times, yet they continue to disregard our lawful requests to appear,” pahayag ni committee chair Manila Rep. Joel Chua.
Binubusisi ng kanyang panel ang alegasyon sa hindi tamang paggamit ng pondo ng OVP at DepEd.
“These absences reflect a blatant disregard [of] the authority of Congress and are unacceptable,” ani Chua.
“If they fail to appear again, we are prepared to issue orders for their arrest.” RNT/JGC