Home OPINION AUSTRALIA AT IBA PANG PROBLEMANG DUTERTE

AUSTRALIA AT IBA PANG PROBLEMANG DUTERTE

MAKARAANG arestuhin si dating Pangulong Digong Duterte, agad na nagkaroon ng reaksyon ang mga tagasuporta nito.

Nang dinala na si Duterte sa Villamor Air Base (VAB), mabilis na dumami ang mga tao sa isang gate nito galing sa Metro Manila at Mindanao.

Habang gumagabi, lalong dumami ang hanggang sa inilipad na ng pribadong eroplano si Duterte patungong The Hague, Netherlands dakong 11:03 ng gabi.

Isa sa naging mainit na usapin dito ang hindi pagpapasok sa mga abogado na nagnais na magbigay ng serbisyong ligal kay Digong at mismong mga suporter nito.

MGA PROTESTA

MAKARAAN ng pangyayari, nagsimula na rin ang mga protesta ng mga suporter ng dating Pangulo sa iba’t ibang lugar ng bansa lalo mula sa Metro Manila hanggang sa Visayas at Mindanao.

Nagkaroon din ng mga tunggalian sa media, kasama ang social media, na pabor at kontra sa pangyayari.

Maging sa hanay ng mga abogado, nagkaroon din ng mga tunggalian at umabot iyon sa Korte Suprema gaya ng paghiling ng pro-Duterte ng temporary restraining order na hindi napagbigyan.

At nitong huli, ang pinagsamang petisyon sa habeas corpus ng magkapatid na Baste at Kitty Duterte para pabalikin si Duterte sa Pilipinas.

TRAVEL ADVISORY

Ang pamahalaang Australia ang agad na nabahala sa pangyayari.

Nag-isyu agad ito ng advisory o babala sa mga Australiano na nasa loob at patungo pa lang sa Pilipinas.

Kasama sa mga habilin nito ang pag-iwas ng mga Australiano sa mga protesta at kaguluhan.

Maaari rin umanong samantalahin ang mga protesta at kaguluhan ng mga terorista at maapektuhan ang “aviation and airports, public transport, hotels, shopping malls, restaurants, major events, places of worship and tourist areas.

Partikular na pinaiiwasan ang “central and western Mindanao”, kasama ang Zamboanga Peninsula, Sulu Archipelago at Sulu Sea dahil sa malakas umanong banta ng terorismo at kidnaping.

Meron din umanong mararahas na krimen gaya ng armadong pagnanakaw sa public places o shopping malls, sexual assault, at murder na karaniwang nagaganap sa Metro Manila.

Karaniwang din umanong may pandurukot, bag snatching at scams at may naghahalo ng gamot sa mga inuming nakalalasing, lalo na sa mga lugar na paboritong puntahan ng mga dayuhan.

Akalain mo, puro kasamaan ang nakikita nila sa bansa at pinasama pa ng pagpatay at pag-rape sa 23 anyos na Slovakian national sa Boracay.

Nagreak naman ang China ilang oras makaraan ang pag-aresto at sinabing susubaybayan nila ang pangyayari.

Anila, dapat umanong sundin ng International Criminal Court ang prinsipyo ng complementarity, maayos na pagsasagawa ng kapangyarihan at trabaho nito at huwag mamulitika at maging doble kara ito.

Nagkakaroon naman ngayon ng mga protesta pabor kay Duterte ng libo-libong overseas Filipino worker sa Japan, sa United States at sa Europa.

SAAN TAYO PUPUNTA?

Malaki talagang katanungan kung saan patutungo ang bansa sa mga protesta at kaguluhang likha ng pang-aaresto kay Digong.

Sana naman, kung saan man tayo pupunta, doon sa ikabubuti ng mga Filipino sa loob at labas ng Pinas.