
MERON lang tayong napansin, mga brad, ukol sa mga imbestigasyon ng Kongreso, Kamara man o Senado.
Sa mga araw na ito, tarantang-taranta ang mga senador ukol sa P1.2 bilyong bumagsak na tulay sa Sta. Maria-Cabagan sa Isabela.
Ang mga kongresman, tarantang-taranta rin sa milyones umanong confidential fund na Kwestyonableng ginastos umano ni Vice President Sara Duterte at mabilisan pa nga siyang in-impeach
Napakaiingay ang mga ito at gusto nilang managot ang dapat managot umano.
Dahil sa mga pangyayaring ito, biglang bumalik sa ating isipan ang higit na malalaking pondong bayan na hindi natin alam kung saan napunta.
Halimbawa ang panukalang nasa P70 bilyong pondo sana para sa PhilHealth sa taong ito, 2025.
Pero higit dito, ang nasa P600 bilyon noong 2023 at 2024 para sa anti-flood projects.
Ang pondong pang-PhilHealth, binura ng mga kongresman at senador at naging zero budget tuloy ang ahensya na naatasang siguruhin ang kalusugan ng lahat ng Pinoy.
Diyan sa P70 bilyon dapat kunin ang premium o kontribusyon ng mga miyembro ng PhilHealth na walang kontribusyon gaya ng mga senior citizen, persons with disabilities na walang hanapbuhay at iba pang walang pagkukunan ng kontribusyon.
Iniaasa tuloy ngayon sa mga may trabaho at kinakaltasan ng PhilHealth ang pagpapakonsulta, pagpapagamot at pambili ng gamot ng mga walang kakayahang magbayad ng premium.
Tuloy-tuloy naman ang pananalasa ng baha kahit saan sa bansa kung may bagyo, malakas na ulan at tag-ulan.
Sa mga baha, daan-daan o libo ang namamatay, milyones ang nasisiraan ng mga pundar at ari-arian ng mga mamamayan at bilyones ang nasisirang mga imprastraktura taon-taon.
Ano-ano ba ang mga pangunahing dahilan at binabalewala ng mga kongresman at senador sa kanilang mga imbestigasyon ang katulad ng P70 bilyong PhilHealth fund at ipinasa ngayon sa Supreme Court para ito ang mag-imbestiga at magdesisyon dito.
Nasaan din ang imbestigasyon sa P600 bilyong anti-flood projects na minsang hinanap maging ni Senate President Chiz Escudero?