
UMAAPAW ang galit ngayon ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa buong mundo matapos mabunyag ang umano’y “grand conspiracy” ng matataas na opisyal ng gobyerno.
Halos sumabog ang social media sa mga akusasyon laban kay National Security Adviser Eduardo Año at Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro. Tinatawag ngayon ang dalawa na mga “taksil” dahil sa kanilang papel sa pag-aresto kay Duterte patungong International Criminal Court sa The Hague.
Ayon sa kilalang abogadong si Raul Lambino, ang “grand conspiracy” para ipatapon si Duterte ay pinangunahan mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ang pag-amin ni Interior Secretary Jonvic Remulla ay nagsisilbing ebidensya ng kanilang partisipasyon sa isang gawaing maituturing na kidnapping sa ilalim ng batas ng Pilipinas. Idiniin ni Lambino na ang ganitong operasyon ng gobyerno na plinano sa pinakamataas na antas, ay mabigat na krimen na may matinding parusa, kabilang ang habambuhay na pagkakakulong.
Lumabas sa mga ulat na si Teodoro ang nag-ayos ng eroplanong ginamit sa “pagkidnap” kay Duterte. Ang eroplanong Gulfstream G550 executive jet, ay pag-aari ni Ramon S. Ang, isang kilalang negosyante at malapit na kaalyado ni Teodoro.
Bukod sa social media, bumuhos din ang suporta kay Duterte sa mga lansangan. Libu-libong tagasuporta ng dating Pangulo ang nagsagawa ng solidarity rally sa Agdao, Davao City upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa pag-aresto at deportasyon kay Duterte.
Habang lumalalim ang kontrobersyang ito, dumaragsa ang mga batikos laban sa administrasyong Marcos mula sa mga tagasuporta ni Duterte, political analysts, at mga eksperto sa batas.
Patindi nang patindi rin ang debate sa isyu ng pamamahala, katapatan, at ang pagsunod sa batas sa Pilipinas. At sa gitna nang lumalawak na galit ng publiko, inaasahang haharapin ng administrasyong Marcos ang matinding epekto ng kontrobersyang ito sa mga susunod na araw, maging sa darating na halalan.