Home ENTERTAINMENT Awra, nag-bail, nakalaya!

Awra, nag-bail, nakalaya!

Manila, Philippines – These past few days ay usap-usapan ng mga Marites ang pagkakasangkot ni Awra Briguela sa isang rambol sa Makati kung saan ay naaresto pa ito at nakulong.

Ang sabi, pinagtanggol lang daw ni Awra ang kanyang kaibigang babae na hinipuan.

Ang isang version of the story naman ay nagsasabing may isang lalaking pilit na pinaghuhubad ni Awra.

Taliwas sa naunang version, sinabi ng isang bouncer at isang staff ng bar sa Makati na ang pamimilit ni Awra na pahubarin ang isang lalaki ang puno’t dulo ng away.

Nakita sa CCTV na naghubad ng pang-itaas ang lalaki.

“Noong ibinalik ang damit, gusto ni ma’am Awra na pati ‘yung pants huhubarin po. So hindi na po pumayag ‘yung guest,” sabi ng bouncer.

Sa kumalat na kopya ng CCTV sa loob ng bar, mapapanood ang pag-alis na sana ng isang lalaking naka-gray sa nasabing bar kung saan nag-party ang grupo nina Awra.

Makikita rin sa CCTV ang puwersahan at malakas na paghatak sa kanya ni Awra, kaya natumba silang dalawa.

Nakawala ang lalaking naka-gray, ngunit sinundan pa rin siya ni Awra at itinulak. Nakalabas na ang lalaki ngunit sumunod pa rin si Awra at muling nanulak hanggang sa umawat na ang bouncer.

Inawat na rin si Awra ng kanyang mga kaibigan kahit na lumabas na ng bar ang lalaki, ngunit pilit pa rin siyang hinabol ng komedyante.

Sa isang kuha ng CCTV, makikita na ang bouncer na ang humawak kay Awra ngunit nagkabukol pa siya matapos diumano’y masuntok ng aktor. Bukod dito, nakalmot din siya ni Awra sa kanyang braso.

Dahil dito, nagsampa siya ng kaso laban kay Awra. Sa harap din daw niya nangyari ang pagpupumiglas ni Awra sa mga pulis.

“Pinipilit siyang pakalmahin pero hindi talaga siya kumakalma. Kahit sa pulis, galit na galit din siya. Tinatadyakan po niya ‘yon,” sabi ng bouncer.

Iginiit din ng bouncer na walang nangyaring panghihipo gaya ng naunang lumabas na version sa socmed.

“Kung makikita po ninyo, walang bastusan na nangyari, na may binastos na babae. Wala po roon na binastos,” sabi pa ng bouncer.

Dagdag pa ng isang staff ng bar na nagtanong sila sa ibang kasama ni Awra kung totoo na may nahipuan, ngunit walang maituro ang grupo.

Nag-scan din sila sa CCTV pero wala rin silang nakitang hipuan.

Sabi naman ng staff ng bar, pang-apat na beses na ni Awra na uminom doon ngunit ngayon lang ito nasangkot sa gulo.

Ilang kaibigan at pamilya na ang bumisita kay Awra sa loob ng kulungan sa Makati.

As of this writing ay nakalabas na ng oblo si Awra nu’ng Sabado, 9:20 PM.

Naglagak si Awra ng bail amounting to P6,000 as per release order. Joey Sarmiento