SA gitna nang lumalakas na panawagang patalsikin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang sabay na pagtutol ng ilang sektor sa paghalili ni Bise Presidente Sara Duterte, nanawagan ang inyong lingkod na maging malinaw at nagkakaisa ang taumbayan sa landas na kanilang tatahakin.
Kung ayaw ng taumbayan kay BBM at ayaw din kay Sara bilang kapalit, kailangan nating tanungin ang sarili natin: Ano ba talaga ang nais nating mangyari? At paano tayo magtatagumpay nang mapayapa?
Dalawa lamang ang posibleng paraan para makamit ang pagbabago: isa ayon sa Konstitusyon, at isa sa labas nito—ngunit pareho ay dapat na mapayapa.
Ang unang landas ay ang modelo ng EDSA 2, na nasa loob ng balangkas ng Saligang Batas. Kung ang layunin ay tanging pababain ang kasalukuyang Pangulo, malinaw ang mekanismo: ang Bise Presidente ang papalit. Ito ang nangyari noong EDSA 2. Hindi binago ang sistema, hindi winasak ang gobyerno—sinabing nag-resign si Erap, kaya pumasok ang constitutional successor na si Gloria Macapagal Arroyo. Kung ito ang pipiliin ng taumbayan ngayon, dapat tanggapin ang kahihinatnan nito.
“Kung ‘Marcos resign’ ang layunin, malinaw sa Saligang Batas: Sara Duterte succeeds. Hindi ito usapin ng gusto o ayaw—ito ay probisyon ng batas.”
Ngunit kung ang taumbayan ay ayaw din sa magiging successor, kailangang tumukoy ng ibang landas: ang modelo ng EDSA 1, na isang mapayapang kilos na lumalabas sa kasalukuyang konstitusyonal na balangkas.
Dito, hindi lang Pangulo ang pinalitan—ang buong sistema ay ni-reset. Ang mahalaga ay malinaw sa lahat: ang EDSA 1 ay hindi lamang pagpapalit ng pinuno kundi isang revolutionary government. Kapag ayaw parehong kay BBM at Sara, dapat tanggapin na ang alternatibo ay isang revolutionary transition—pero dapat mapayapa. Walang dahas, walang puwersahan. Taumbayan ang magtatakda, tulad noong 1986.
Ang kasalukuyang kalituhan ay sanhi ng pagkakahati ng mga grupo sa kanilang layunin. May ayaw kay BBM pero gusto si Sara. May ayaw kay BBM at ayaw kay Sara. May gusto ng resign, may gusto ng overhaul, may gusto ng caretaker. Iba-iba ang direksyon. Sinabi niyang walang mass movement ang nagtatagumpay kung hati ang bayan.
Kung walang pagkakaisa, walang EDSA 1. Kung walang pagkakaisa, walang EDSA 2. Laging panalo ang iisang tinig ng taumbayan.
Kaya naman hinihimok ng inyong SIBOL ang publiko na maglatag ng malinaw na layunin bago kumilos. Kung succession: si Sara ang papalit. Kung ayaw kay Sara: revolutionary, pero mapayapa. Hindi pwedeng pareho mong ayaw, tapos walang malinaw na solusyon.
Ang tunay na tanong ngayon ay hindi lamang kung magre-resign ba si Marcos, kundi: “Handa bang magkaisa ang taumbayan sa iisang landas? Dahil doon nakasalalay kung makakamit ang pagbabago—at kung paano.”






