KUNG saan-saan na lang bumabalandra ang mga usaping ukol kina Pangulong Bongbong Marcos at Senador Imee Marcos.
Nauna rito, pinaratangan ni Manang Imee ang kanyang ading o nakababatang kapatid na si Bongbong bilang adik at nagkakadepekto na sa pagkalulong sa mga drogang cocaine at marijuana.
Idinamay na rin ni Manang Imee ang First Lady na adik din at iba pa na family members at barkada ng Pangulo sa Palasyo sa rally ng Iglesia ni Cristo kamakailan para sa Transparency at Democracy .
Tila hindi na mapapahupa ang bangayang pampamilya makaraan nito hanggang magkasunod ang Pangulo at anak niyang si Zandro sa pagsasabing hindi kapatid ng Pangulo si Manang Imee kay ex-Pang. Ferdinand Marcos Sr.
Nagbunga na rin ang paratang ng pagkahati ng lipunan, maging sa pamahalaan at religious sector, para pumabor o kumontra kay Manang Imee o sa Pangulo hanggang sa humantong lahat sa diskusyon kung dapat pang manatili sa pwesto ang Pangulo lalo’I isang krimen at pagiging adik.
Nahalo pa rito ang iskandalo sa flood control project at si Zaldy Co naman ang nagpalagablab ng apoy rito nang paratangan nito ang Pangulo na may mga insertion at kikbak ito sa daang bilyong flood control projects.
Dahil seryoso ang paratang ni Manang Imee, kasama na rin ang kay Zaldy Co, maituturing itong isang public interest na dapat pakialaman ng taumbayan dahil nakataya rito ang kinabukasan ng bansa.
Delikado ang pagkakaroon ng Pangulo ng bansa na adik dahil tiyak na mapaririwara ang buong bayan…kahit hindi pa si Bongbong ang sangkot.
Kung gayon, dapat lang na pag-usapan ng buong bayan ang katotohanan o kasinungalingan sa paratang at gumawa na rin ng mga karampatang hakbang.
Kung lilitaw ang katotohanan ng paratang o kasinungalingan kaya, karapatan din ng sambayanan ang humusga o magparusa o kaya’y magpalaya sa inaakusahan sa droga.






