MANILA, Philippines – Isang babae ang binitbit ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Angeles City dahil sa ilang pagbabanta o bomb threats laban sa ilang mga paaralan at unibersidad sa Pampanga.
Ayon sa NBI, ikinalat sa social media ang bomb threats ng isang 21-anyos na “delinguent high school student” sa pamamagitan ng fake account.
Inaresto siya ng NBI-Central Luzon Regional Office noong Oktubre 13 sa kanyang tirahan sa tulong ng mga lokal na opisyal ng barangay.
Kinuha rin ng mga operatiba ang kanyang telepono at isinailalim ito sa digital forensic examination.
Ang mga resulta ay nagpakita na ang pekeng account na ginamit para sa bomb threats ay naka-log in at aktibo sa isang device.
Sinabi ng NBI na ang banta ay isa lamang biro at walang aktwal na nangyaring pambobomba.
Isinalang na sa inquest proceedings ang suspek para sa paglabag sa Bomb Prank Law. Jocelyn Tabangcura-Domenden