Home METRO Babae naharang sa NAIA sa pekeng departure stamp

Babae naharang sa NAIA sa pekeng departure stamp

MANILA, Philippines- Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) ang pagharang sa isa pang biktima ng trafficking sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) makaraang madiskubre na may peke itong immigration stamp.

Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na naganap ang pagharang sa biktima noong Oktubre 27 sa NAIA Terminal 3.

Nabatid sa BI na ang 46-anyos na babaeng biktima, na itinago ang pagkakakilanlan bilang pagsunod sa mga batas laban sa trafficking, ay sasakay sana ng AirAsia flight papuntang Macau ngunit naharang sa primary inspection counter ng BI.

Una nang ipinakilala ng biktima ang kanyang sarili bilang isang dating Overseas Filipino Worker (OFW) na bumibiyahe sa Macau para sa paglilibang bilang isang turista gayunman, kalaunan ay inamin niya na balak niyang magtrabaho muli sa Macau nang walang tamang dokumentasyon.

Ayon sa BI, ibinunyag ng biktima na pinangakuan siya ng easy immigration at document assistance sa pamamagitan ng Facebook, lingid sa kaalamang may kinalaman ito sa paglalagay ng pekeng departure stamp sa kanyang passport.

Naniningil umano ang mga trafficker ng P40,000 para sa umano’y escort services, na lumabas na isang scam.

“It’s alarming to observe that this scheme remains widespread. While these offers might seem enticing to unsuspecting victims, any assurance of success with minimal effort should raise immediate red flags,” ani Viado.

Ang biktima ay itinurn-over sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa tulong sa pagsasampa ng mga kaso laban sa kanyang mga recruiter. JR Reyes