BACOLOD CITY- Patay ang isang lalaki matapos barilin sa dibdib ng sariling pinsan matapos “mag-ober da bakod” dahil lumampas na ang una sa boundary ng taniman ng tubo ng huli, iniulat kahapon sa lungsod na ito.
Dead-on-the-spot ang biktima na kinilalang si Danilo Basa, 54, habang sumuko naman sa pulisya ang suspek at pinsan nitong si Donnie Rey Valencia, 36, kapwa residente ng Sitio Balungay, Barangay Montilla, Moises Padilla, Negros Occidental.
Batay sa report ng Moises Padilla Police Station, bandang alas-12:05 ng tanghali nang maganap ang krimen sa nasabing lugar.
Ayon kay Police Major Jerald Muya, hepe ng Moises Padilla, nagtungo ang suspek sa kanyang taniman ng tubo at nakita nitong lumagpas na sa kanyang boundary ang biktima.
Dahil dito, kinompronta ng suspek ang biktima na nauwi sa mainitang pagtatalo.
Agad na bumunot ng .45 kalibre na baril ang suspek at binaril sa dalawang beses sa dibdib ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Matapos ang krimen ay sumuko sa pulisya ang suspek at nahaharap sa kasong homicide. Mary Anne Sapico