Home NATIONWIDE Babaeng finance officer ng NPA arestado sa NAIA

Babaeng finance officer ng NPA arestado sa NAIA

MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang isang opisyal ng komunistang New People’s Army (NPA) sa isang operasyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong nakaraang linggo.

Sa ulat nitong Biyernes, sinabi ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Maj. Gen. Romeo Caramat Jr. na sina Jennifer Zamora Abad, alyas “Josephine Abad” at “Peping”, ay nahuli ng mga miyembro ng CIDG Rizal, Philippine National Police Aviation Security Group at tropang militar sa immigration area ng NAIA Terminal 1 sa Parañaque City noong Nob. 29.

Aalis sana ng bansa ang suspek patungong Qatar.

Si Abad ay may standing arrest warrant para sa pagpatay na inisyu ng Lianga, Surigao del Sur Regional Trial Court noong Nob. 21, 2019, na walang inirekomendang piyansa.

Sinabi ni Caramat na si Abad ay ang regional finance staff ng Northeastern Mindanao Regional Committee (NEMRC) ng NPA na nagpapadali ng buwanang suporta at pinagsasama-sama ang mga allowance para sa mga miyembro.

Idinagdag niya na ang suspek ay siya rin ang namumuno sa pangongolekta ng revolutionary taxes sa lalawigan ng Surigao del Sur at may direktang pakikipag-ugnayan sa isang alyas na “Maria Malaya”, ang kalihim ng NEMRC.

Nasa kustodiya na ngayon ng CIDG Rizal Provincial Field Unit si Abad. Santi Celario