Home NATIONWIDE Buhay ang ating demokrasya, ICC walang ‘K’ manghimasok sa Pinas – Go

Buhay ang ating demokrasya, ICC walang ‘K’ manghimasok sa Pinas – Go

MANILA, Philippines – Inihayag ni Senador Christopher “Bong” Go na walang karapatan ang International Criminal Court (ICC) na manghimasok sa mga panloob na gawain sa bansa dahil maayos na umiiral ang hustisya at buhay na buhay ang ating demokrasya.

Sa panayam ng media sa break ng Bicameral Conference Committee on the General Appropriations Bill, tinukoy ni Go ang mga pahayag nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at dating Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa kanilang pagtitiwala sa functionality ng judicial system ng Pilipinas.

“Nag-withdraw na po ang Philippine Government sa membership sa ICC. At nagsalita rin po ang kasalukuyang mahal nating Pangulong Bongbong Marcos na meron naman tayong working judicial system,” ani Go.

Binigyang-diin ni Go na malakas ang demokrasya ng Pilipinas sa ilalim ng isang demokratikong inihalal na pangulo. Aniya, ang mga bansang karaniwang sinusuri ng ICC ay ang walang umiiral na batas, puno ng kriminalidad, at diktadura.

“‘Yung atin dito sa Pilipinas, democratically elected president. Ibig sabihin, umiiral po ang demokrasya dito sa atin. Wala naman pong diktador dito sa ating bansa ngayon,” ayon kay Go.

Binanggit din ng senador ang mga pahayag ni dating Supreme Court Chief Justice, ngayo’y Executive Secretary Lucas Bersamin, na nagsabing ang Pilipinas ay may gumaganang institusyon ng hustisya at nasa lugar ang mga pamamaraan.
Muling idiniin ni Go na ang Pilipinas ay may gumaganang sistema ng hustisya na nagtataguyod ng karapatan ng bawat Pilipino.

“Huwag nating hahayaan na ang banyaga po ang magsabi kung sino ang iimbestigahan, sino ang kakasuhan, sino ang hahatulan,” anang senador.

Binigyang-diin pa ni Go ang kahalagahan ng internasyunal na komunidad na iginagalang ang hurisdiksyon ng Pilipinas sa sarili nitong usaping panghukuman.

“ICC has no right and business to meddle in our internal affairs where our courts remain fully operational,” ani Go.

Nang tanungin ukol sa potensyal na pagpasok ng ICC sa pag-iimbestiga sa giyera laban sa droga sa ilalim ng pamumuno ni Duterte, mismong si Pangulong Marcos Jr. ay inulit ang kanyang posisyon tungkol sa soberanya ng Pilipinas.

“Simple lang naman ‘yang isyung ‘yan. Hindi naman siguro tama na ang mga taga-labas, mga dayuhan ang magsasabi sa atin kung sino iimbestigahan ng pulis natin, sino aarestuhin ng pulis natin, sinong ikukulong ng pulis natin. Hindi naman siguro tama ‘yun. Dapat Pilipino lang ang gumagawa niyan,” ang sabi ni Pangulong Marcos noong November 24. RNT