LA UNION- Patay ang isang babaeng pasahero habang kritikal ang driver at konduktor na pampasaherong bus matapos bumangga sa arko, noong Huwebes sa lalawigang ito.
Binawian ng buhay ang 41-anyos na babae habang inoobserbahan sa ospital ang driver ng bus na si Hernanie Marquez, 44, at konduktor nitong si Benjie Geron, 33.
Nilapatan naman ng lunas sa iba’t ibang ospital ang 37 pasahero matapos magtamo ng mga sugat at pasa kanilang katawan.
Batay sa report ng Burgos Municipal Police Station, bandang alas-6:35 ng gabi naganap ang insidente noong Huwebes Abril 24, 2025 sa kahabaan ng Naguilian Road, boundary ng Sablan, Benguet at Burgos, La Union.
Sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ni Marquez ang bus ng Scarllette Jayde Transport nang bigla na lamang itong mawalan ng kontrol sa manibela.
Para makaiwas na mahulog sa bangin, binangga na lamang ng driver ang bus sa pader ng Welcome Arc sa naturang lugar.
Sa lakas ng pagkakabangga, nasawi ang babaeng pasahero habang nasugatan ang 40 katao kabilang ang driver at konduktor na naipit sa harapang bahagi ng bus.
Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and multiple injuries ang driver ng bus.
Samantala, pinadalhan na rin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng “show cause order” ang operator ng Scarllette Jayde Transport habang sinuspinde na din ng 30 araw ang operasyon ang unit ng bus. Mary Anne Sapico