Home HOME BANNER STORY Babaeng Tarlakenyo, nagulat sa pagiging kasosyo ng Banbam POGO: ‘Peke ang TIN’

Babaeng Tarlakenyo, nagulat sa pagiging kasosyo ng Banbam POGO: ‘Peke ang TIN’

MANILA, Philippines – Gulat na gulat ang isang simpleng housewife na taga-Concepcion, Tarlac matapos matuklasan na kasosyo siya sa Hongsheng Gaming Technology Inc., isang kompanya ng POGO na isinasangkot kay suspended Bamban Mayor Alice Guo.

Sa kanyang pagdalo sa ginanap na pagdinig ng Senado hinggil sa nilusob na POGO hub sa Banbam, sinabi ni Merly Joy Manalo Castro na wala itong kinalaman sa POGO.

Nagtungo si Castro sa tanggapan ni Senador Risa Hontiveros matapos matuklasan na kinasuhan siya ng Department of Justice nitong biyernes kasama ni Guo.

Aniya, wala siyang ideya kung bakit iniimbestigahan ng Senate committee on women, children, family relations, and gender equality, ang nilusob na POGO hub sa Bamban, matapos itong makatanggap ng imbitasyon sa pagdinig dahil wala siyang kinalaman hinggil sa Hongsheng.

Si Hontiveros ang chairperson ng naturang komite.

Sinabi pa ni Castro na nakatanggap din siya ng liham mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) hinggil sa pagsasara ng Hongsheng saka nagtungo sa ahensiya upang ipaalam na wala itong kinalaman sa kompanya.

“Nalaman ko lang po ‘yung mga pangalan nu’ng lumabas nu’ng Friday night na kasama po ako sa list ng pinapasa nasa DOJ na, which is sobrang takot ko po kasi wala po akong idea paano po ako nandodoon,” ayon kay Castro.

“Inantay ko po talaga, pinanood ko hanggang gabi nung nilabas po sa balita ‘yung mga kasali, nabasa ko po ang pangalan ko,” giit nito.

“Nalaman ko lang nga po kasi nu’ng unang letter niyo, tapos may sumunod po kasing letter from BIR, closure daw po nung Hongsheng and pumunta po ako sa BIR to inform them na wala akong ipapasang papel kasi hindi po ako connected,” dagdag niya.

Inihayag din ni Castro sa komite na wala itong kaalaman hinggil sa operasyon ng Hongsheng at walang nalalaman kung ano ang POGO.

Igiit din niya na wala itong nilalagdaan na anumang papeles na may kaugnayan sa Hongsheng o anumang bagay sa pagtatayo ng kompanya.

Dahil dito, ikinumpara ni Hontiveros ang Tax Identification Number (TIN) ID na ibinigay ni Castro sa katulad na card na isinumite ng Hongsheng.

Natuklasan ng senador na hindi magkatulad ang dalawang IDs na inihain sa komite pero halos magkapareho ang lagda.

Pinatotohaanan din ni Castro na pawang peke ang kanyang lagda sa TIN ID na ipinakita ng Hongsheng.

Aniya, tatlong pangalan lang ang kanyang nakikilala sa ilang kasosyo ng kompanya na inilista ng Hongsheng.

Kilala umano niya ang tatlong tao sa isang palengke sa Concepcion, Tarlac. Isa ang nagtitinda ng gulay, isa nagtitinda ng pagkain at isa naman nagbebenta ng chicken barbeque.

“Di ako sure kung incorporator sila,” aniya.

Inihayag naman ni Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty na dapat magtungo si Castro sa DOJ upang ibahagi ang kanyang panig at patunayan na hindi konektado sa POGO.

“Ongoing pa naman ang preliminary investigation. So karapat-dapat lang na humarap sila sa preliminary investigation na igaganap sa DOJ at ibigay nila ang kanilang panig, itong sinasabi nila. Dapat mapatunayan nila at hopefully, ma-convince nila ang prosecutor na hindi sila isama don sa dadalhin sa korte,” ayon kay Ty.

Sinabi ni Castro na nakahanda siyang patunayan sa DOJ na hindi siya konektado sa POGO.

Nitong Biyernes, kinasuhan ng awtoridad si Guo, dating Technology and Livelihood Resource Center (TLRC) deputy director general Dennis Cunanan, at 12 officers and incorporators ng Hongsheng ng kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9208 o ang Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 as amended by RA 10364, as further amended by RA 11862. Ernie Reyes