MANILA, Philippines- Arestado ang isang foreman dahil sa umano’y pagpatay sa isang construction worker gamit ang backhoe sa Tanay, Rizal.
Ayon sa ulat nitong Linggo, sinabi ng biktimang si Melvin Tica sa kanyang anak na nagkaroon sila ng pagtatalo ng foreman at suspek na si Domy Floren nitong Biyernes ng umaga.
“Sabi ko, ‘tay, bakit di kayo pumasok?’ ‘E yung foreman ko sobra na’, kaya po daw di siya umano ng pagpasok,” ani Mary Grace Tica, anak ng biktima.
Kalaunan, nagtungo umano ang biktima sa site sa Sitio Suyok, Barangay Tandang Kutyo, at muling nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan nila ng suspek, na nag-ooperate ng backhoe, dahil umano sa hindi nabayarang hauling job.
“Dumating si victim si Melvin, na bakit sinisingil pa siya doon sa bayad ng hauling? Doon nag-umpisa yung confrontation nila. Nagalit tong si suspek,” ani Tanay Police Officer-in-Charge Police Lieutenant Norman Cas-oy.
Sa gitna ng pagtatalo ay ibinagsak ng suspek ang backhoe bucket sa biktima, na kumitil dito.
Agad na sumuko si Floren sa Tanay police na naglagay sa suspek sa ilalim ng kustodiya nito.
Anang suspek, nagawa niya ang krimen dahil pinagbantaan umano siya ng biktima.
“Hindi kasi siya nag-remit sa kaniyang biyahe kasi siya driver, ahente. Sinugod niya ako sa backhoe e. Kung di niya ko sinugod, hindi siya namatay. [Nanakot siya] na hindi ka makauwi ng Antipolo, na hindi mo ako kilala sa Tanay,” giit ni Floren.
Itinanggi naman ng kinakasama ni Tica na mayroon itong hindi nabayarang utang.
“Karumal-dumal ang ginawa niya sa tatay ko. Hindi makatao,” dagdag ni Mary Grace. RNT/SA