MANILA, Philippines- Magsasampa ng kaso ang ranking official ng Philippine National Police (PNP) laban sa isang babaeng nagpakilala umanong pamangkin niya matapos mahuli ng enforcers ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa ilegal na paggamit ng Edsa bus lane nitong Huwebes.
Inihayag ni PNP Director for Logistics Maj. Gen. Mario Reyes nitong Linggo na kumokonsulta na siya sa kanyang mga abogado para sa paghahain ng kaukulang reklamo laban sa babae.
Aniya, hindi niya kaanak ang babaeng nagpakilala bilang “Major Miguel” mula sa Intelligence Service ng Armed Forces of the Philippines (ISAFP).
“I strongly condemn the act of namedropping me in a recent incident regarding a traffic violation of the EDSA bus lane policy,” giit ng opisyal.
“Any attempt to exploit the name or reputation of a law enforcement officer for personal gain or to avoid accountability is utterly unacceptable and undermines the integrity of our organization. The PNP enforces the law without fear or favor,” dagdag niya.
Umapela si Reyes sa publiko na iwasang magsagawa ng “deceptive practices and to respect the authority of law enforcement officers.”
“I also urge concerned agencies to conduct a show cause order and thorough investigation and perhaps file usurpation of authority against that person,” ayon pa kay Reyes.
Nang hingin ng MMDA enforcer ang kanyang lisensya, sinabi ng babae na pamangkin siya ni Reyes, nagtatrabaho para sa ISAFP, at kalahok sa paghahanda para sa “Balikatan” military exercises.
Pumayag siyang matiketan subalit tumangging ipakita ang kanyang lisensya. RNT/SA