MANILA, Philippines – Nanawagan ang isang mambabatas na bawasan ang panukalang badyet ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) sa susunod na taon dahil sa mga hindi pa natatapos na proyekto, at mabagal na paggamit ng mga pondo partikular na sa ilalim ng
Barangay Development Program (BDP).
Ang BDP ay isa sa pangunahing inisyatibo sa ilalim ng NTF-Elcac ngayong taon na “intends to bring sustainable development programs to conflict-prone and conflict-affected communities.”
Sa plenary discussions para sa 2025 national budget, sinabi ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo na sa ngayon ay nasa 962 proyekto ng task force ang nasa ilalim ng pre-procurement, 173 ang under procurement, at 20 ang nagpapatuloy.
Sa nagdaang badyet hearing ng Department of the Interior and Local Government (DILG), nalantad din na hindi pa umuusad ang BDP hanggang noong Agosto 2024.
“Now kaya nag wo-wonder ako kung nasa ganung stage pa lang yung pag-gamit ng pondo posible na matatapos yan lahat di lang next year hanggang 2026 pa. Noong nag-allot ng pondo for the barangay development program nung 2021 naabot niya yung 90 plus percent ng pag-gamit ng pondo three years after pa,” giit ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel.
“Ang isusulong ko na rin, dapat talaga hindi na nga muna pondohan din for 2025 itong barangay development program,” dagdag pa niya.
Para sa 2025, humihirit ang task force ng badyet na P7.8 bilyon, o apat na beses na mas mataas sa P2 bilyong pondo ngayong taon.
Kamakailan ay inirekomenda nina Manuel at Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang realignment ng pondo ng NTF-Elcac patungo sa ibang ahensya ng pamahalaan na may kaugnayan sa edukasyon, kalusugan at iba pang social services.
Sa nasabing panahon, tinutulan ni Brosas ang mas mataas na budget allocation para sa NTF-ELCAC at sinabing ang badyet ay ginagamit lamang para i-pressure, i-monitor at harasin ang mga progresibong grupo at mga indibidwal. RNT/JGC