CEBU CITY — Sa kagustuhan subukan na makagamit ng condom, kulungan ang kinasadlakan ng isang bagger matapos ibulsa ang panindang condom sa mall na pinagtatrabahuhan nito, iniulat kahapon sa lungsod na ito.
Nakakulong ngayon sa lock-up cell ng Mabolo Police Station ang suspek na itinago sa pangalang Junjun, 23-anyos, at residente ng Panagdait, Barangay Kasambagan, Cebu.
Batay sa ulat ng pulisya, Martes ng gabi, Enero 6, 2026, tapos na ang duty ng suspek at palabas na ito ng mall na pinagtatrabahuhan sa North Reclamation Area, Barangay Mabolo.
Dahil sa protocol ng mga guwardiya ng mall, lahat ng empleyado na pumapasok at palabas ay kailangang kapkapan.
Dito, nakapa ng guwardiya ni Junjun ang isang pakete ng Durex Fetherlite condom na nagkakahalaga ng P387.75 at hindi ito nabayaran sa kahera.
Sa himpilan ng pulisya, inamin ng suspek ang ginawa niyang pagnanakaw at sinabing gusto lamang niya sanang subukan gumamit ng condom sa unang pagkakataon.
Desidido naman ang pamunuan ng mall na magsampa ng kaso laban sa suspek para maging aral sa iba pang empleyado na gagawa ng kalokohan sa kanilang trabaho.