CEBU — Pisak ang isang lady rider matapos magulungan at pumailalim sa trak makaraan sumemplang ang minamaneho nitong motorsiklo nitong Miyerkules sa Toledo City.
Kinilala ang biktimang si Queenie Chelle Laruap, 34, residente ng Barangay Don Andres Soriano, Toledo City.
Hawak naman ng pulisya ang suspek at driver ng 10-wheeler truck na si alyas “Leo,” 43 anyos, taga-Barangay Matab-ang, Toledo City.
Batay sa ulat ng Toledo Police Station, bandang 8:45 AM noong Enero 7, 2026, naganap ang insidente sa national highway na sakop ng Barangay Magdugo, ng naturang lungsod.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na parehong binabaybay ng motorsiklo at trak ang kalsada nang bigla umanong mag-overtake ang biktima.
Dito, nawalan ng kontrol sa manibela ang biktima at sumemplang, dahilan para pumailalim at magulungan ng kasunod na trak na minamaneho ni Leo.
Nagawa naman dalhin sa Toledo City Hospital ang biktima, subalit idineklara na rin itong patay ng umatending doktor.
Nakatakda naman sampahan ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Death ang driver ng trak.