CEBU — Himas-rehas ngayon ang isang 60-anyos na lolo matapos madakip ng mga awtoridad sa kasong panggagahasa sa kanyang tatlong apo na babae noong Martes sa Balamban City.
Sa bisa ng warrant of arrest sa mga kasong Qualified Rape at 5 bilang ng Acts of Lasciviousness na ipinalabas ni Judge Jerome Abarca, RTC Branch 8, Toledo, nadakip ang suspek na itinago sa alyas Mang Kanor, ng Barangay Arpili, Balamban.
Ayon kay Police Captain John Kennedy Pajantoy, deputy chief of police ng Balamban Police, nakatanggap sila ng report na nagtatago ang suspek sa kanyang mga kaanak sa bulubunduking bahagi ng Arpili.
Agad na nagsagawa ng operasyon ang mga otoridad na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Batay sa reklamo ng mga biktima, na ngayon ay mga nasa edad 25, 18, at 14, tinakot sila ng kanilang lolo na siyang nagpapaaral sa kanila upang maisakatuparan ang makamundo nitong pagnanasa.
Kasalukuyan nasa kustodiya ng Balamban Police Station ang suspek para sa tamang disposisyon at dokumentasyon. —Mary Anne Sapico