Laoag City, Ilocos Norte — Trahedya ang sinapit ng isang 24-anyos na security guard na bagong pasa sa Criminologists Licensure Examination matapos masawi sa isang aksidente sa motorsiklo sa bypass road ng Brgy. 55-C Vira, Laoag City nitong Abril 29.
Batay sa ulat ng Laoag City Police Station, ang biktima ay residente ng Brgy. 7 Badio, Pinili, Ilocos Norte at nagtatrabaho bilang security guard sa isang malaking mall sa lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na minamaneho ng biktima ang kanyang Yamaha Sniper 155 motorcycle papuntang silangan nang mawalan ito ng kontrol sa manibela. Tumama ang kanyang sasakyan sa poste ng solar light sa gilid ng kalsada.
Dahil sa lakas ng banggaan, naputol ang isa niyang kamay at paa. Idineklara siyang dead on the spot bunsod ng matinding pinsala sa katawan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente. (Rolando S. Gamoso)