Quezon City, Pilipinas — Dalawang magkahiwalay na petisyon ang inihain kamakailan sa Commission on Elections (COMELEC) laban kay Rose Lin, isang tumatakbong kinatawan sa ikalimang distrito ng Quezon City, dahil sa umano’y mga paglabag sa Omnibus Election Code.
Batay sa mga petisyon nina Ligaya A. Sta. Ana at Karen Altar, kapwa residente at rehistradong botante sa lungsod, iginiit nila na dapat kanselahin ang kandidatura ni Lin dahil sa diumano’y mga aktibidad na hindi alinsunod sa patakaran ng COMELEC, kabilang na ang pangangampanya sa ipinagbabawal na araw at umano’y pamimigay ng ayuda sa gitna ng kampanya.
Ayon kay Sta. Ana, lumabag umano si Lin sa mga probisyon ng Omnibus Election Code at ilang resolusyon ng COMELEC nang magsagawa ng aktibidad sa labas ng Nova Plaza Mall noong Abril 17, 2025, kasabay ng Huwebes Santo—isang araw kung kailan ipinagbabawal ang pangangampanya.
Sa petisyon, isinalarawan ang umano’y presensya ng campaign tent at pamamahagi ng inuming tubig sa mga dumaraan, kasabay ng pagpapakilala ng kandidato. Ayon pa sa mga alegasyon, may mga campaign volunteer umano na nagpaalala sa publiko ng campaign slogan ni Lin.
Dagdag pa ni Sta. Ana, ang aktibidad ay isinagawa habang maraming residente ang naglalakbay para sa relihiyosong pagninilay, na aniya’y hindi angkop para gawing lugar ng pangangampanya.
Samantala, inilahad ni Karen Altar sa kanyang hiwalay na petisyon ang umano’y serye ng mga aktibidad na may kaugnayan sa pamimigay ng bigas at pinansyal na ayuda. Ayon sa kanyang salaysay, siya mismo ay nakatanggap ng bigas sa isa sa mga aktibidad ng kampanya. Ibinahagi rin niya ang impormasyon ukol sa umano’y paghakot ng mga botante sa isang lugar sa Parañaque, kung saan isinagawa ang pagpupulong at pamamahagi ng ayuda.
Kalakip ng parehong petisyon ang mga sinumpaang salaysay ng mga umano’y nakilahok sa naturang mga aktibidad, pati na rin ang mga dokumento at video bilang ebidensya.
Bilang tugon, hinihiling ng mga petitioner na ideklarang diskwalipikado si Lin sa pagtakbo sa halalan. Hinihiling din nila na, kung sakaling magkaroon ng pinal at executory na desisyon ng diskwalipikasyon bago ang araw ng botohan, ang anumang boto para kay Lin ay ituring na stray vote.
Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag mula sa kampo ni Rose Lin kaugnay ng mga isinumiteng petisyon. Patuloy namang tinututukan ng COMELEC ang mga kasong may kaugnayan sa paglabag sa batas-eleksyon habang papalapit ang araw ng halalan. RNT