MANILA, Philippines – Nagsumite ng magkahiwalay na petisyon sa Commission on Elections (Comelec) si Celito J. Baron upang ipawalang-bisa ang kandidatura ng mag-asawang opisyal ng lalawigan ng Laguna — sina Governor Ramil Hernandez, na tumatakbong kongresista, at Rep. Ruth Mariano-Hernandez, na tumatakbong gobernador — dahil umano sa malawakang pamimili ng boto at iba pang paglabag sa Omnibus Election Code.
Sa kanyang mga verified petition, inakusahan ni Baron ang mag-asawang Hernandez ng umano’y pamamahagi ng cash, campaign materials, at government-issued items kapalit ng suporta sa kanilang kandidatura.
Isa sa mga pangunahing alegasyon ay ang diumano’y pagtitipon ng mga residente mula sa Cabuyao City sa isang bodega sa Calamba City, na inilarawan sa paanyaya bilang “training session para sa poll watchers,” ngunit sinasabing ginamit bilang front para sa pamimigay ng P2,000 cash, pagkain, at campaign t-shirts na may larawan ng mga Hernandez.
Ayon sa petisyon, “The gathering was not a legitimate training but a disguised political assembly aimed at vote-buying.”
Nakalakip sa reklamo ang mga sinumpaang salaysay ng umano’y mga nakatanggap ng pera at gamit, gayundin ang mga larawan at video bilang ebidensya. Itinuturo rin ng reklamo ang umano’y paggamit ng “blue cards” — health cards na may tatak ng pamahalaan at pangalan ni Gov. Ramil Hernandez — bilang bahagi ng umano’y panghihikayat sa mga botante.
Noong Abril 25, nakumpiska ng mga opisyal ng Comelec ang 256 health cards sa Cabuyao City. Ayon sa ulat, natagpuan ang mga ito sa bag ng isang babae na dinala ng mga residente sa barangay hall ng Barangay Niugan dahil sa hinalang vote-buying.
Binanggit sa petisyon na, “The combined affidavits, video footage, and supporting documents give rise to a presumption of vote-buying under Section 26 of COMELEC Resolution No. 11104.”
Tinukoy din sa reklamo na ang mga campaign posters ay nakadispley umano sa entablado kung saan nagsalita ang respondent, habang ipinapamahagi ang umano’y ayuda. Bukod dito, sinabing inatasan ang mga botante na magsumite ng “yellow paper” na may pangalan at barcode kapalit ng cash assistance.
Ayon sa petisyon, “The promise of monetary reward in exchange for surrendering voter-related materials is a direct and deliberate violation of election laws.”
Sa konklusyon ng reklamo, iginiit ng petitioner na ang mga isinampang ebidensya ay nagpapakita ng sistematikong pamimili ng boto, dahilan upang humiling siya ng diskwalipikasyon alinsunod sa Section 68 ng Omnibus Election Code.
Sa ngayon, wala pang pahayag mula sa kampo ng mag-asawang Hernandez ukol sa naturang mga akusasyon. RNT